Tagalog News
Sorsogon City, January 26 – Masigasig ngayon ang Sorsogon State College Castilla Campus sa pagtataguyod ng mga hakbang upang makamit ang pangmatagalang programa sa tamang pamamahala ng mga basura.
Ayon kay SSC president Dr. Antonio Fuentes, nakipagkawing ang Castilla Campus sa Department of Agriculture – Office of the Provincial Agriculture at sa Bureau of Soils and Water Management sa Sorsogon upang mapalawak pa ang kanilang sustainable solid waste management program.
Sinabi pa ni Fuentes na sa pamamagitan ng partnership na ito ay maisasaayos din ang ecological solid waste management system ng kolehiyo kung saan tampok dito ang biomass recovery.
Nag-abot naman ng tulong pinansyal sa halagang P4,500.00 ang Bureau of Soils and Water Management ng lalawigan ng Sorsogon sa Castilla Campus para mga kagamitang kailangan upang makapagpatayo ng tatlong vermi beds. Maliban dito ay nakatanggap din ang Castilla campus ng isang decorticating o shredding machine at dalawang tea brewer na kailangan sa pagproseso ng mga tira-tira o tapong halamang-ugat at gulay bilang pagkain ng “African Night Crawlers” o mas kilala sa tawag na Vermi Worms o mga bulate.
Matatandaang una nang nakipagkawing ang Department of Agriculture – Office of the Provincial Agriculture sa SSC Castilla Campus sa ilang mga proyektong pangkaunlaran nito tulad ng Palayamanan at Palay Check project.
Magkakatuwang din ang DA-Regional Field Unit V sa Pili Camarines Sur, Bicol Regional Training Center ng Agricultural Training Institute, mga tauhan ng DA-OPA at ang SSC Castilla campus team sa paggamit ng mura ngunit pangmatagalang teknolohiya upang maitaguyod ang malinis at maayos na kapaligiran. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment