Tuesday, March 15, 2011

BILANG NG MGA NASAWI SA JAPAN QUAKE-TSUNAMI, MALAMANG NA HUMIGIT SA 10,000

SORSOGON CITY (March 14, 2011) -  MALAMANG na humigit sa 10, 000 ang bilang ng mga nasawi sa isang rehiyon pa lamang kasunod ng naganap na mapamuksang lindol at tsunami sa Japan nitong nakaraang Biyernes, ayon sa isang opisyal, habang milyon-milyon namang nakaligtas mula sa naganap na trahedya ang naiwan na walang tubig na maiinom, elektrisidad at tamang pagkain sa naluray na bahaging hilagang-silangang baybayin ng nabanggit na bansa.

Bagama’t dinoble na ng pamahalaan ang bilang ng mga itinalagang sundalo sa pagsusumikap nitong makapagbigay ng tulong ng para sa100, 000 katao ay tila umano kukulangin pa sa naging tripleng resulta ng nangyaring sakuna dahil nasira ng lindol at tsunami ang dalawang nuclear reactors ng isang power plant sa bahaging baybayin at lumilitaw sa kondisyon ng isa sa mga ito ang bahagyang meltdown na nagdudulot sa ngayon ng dagdag na pangamba dahil sa posibleng pagkakaroon ng radiation leak.

Ayon sa ulat ni police spokesman Go Sugawara, sinabi ng kanilang hepe sa Miyagi sa isinagawang pagtitipon ng mga disaster relief officials doon na 10, 000 sa pagtataya umano nito ang bilang ng mga nasawi sa nabanggit na rehiyon.

Ang Miyagi ay mayroong populasyon na 2.3 million at isa sa tatlong mga rehiyon na nagtamo ng matinding pinsala kasunod ng nangyaring lindol at tsunami sa Japan nitong Biyernes. 379 pa lamang sa Miyagi ang opisyal na naideklarang nasawi mula sa naganap na sakuna.

Ang panganib na nukleyar ang nagdulot ngayon ng panibagong pagaalala sa mga nakaligtas sa lindol at tsunami na tumama sa bahaging hilagang-silangang baybayin ng Japan sa hindi mapapaniwalaang bilis at lakas, na sumira at tumangay sa lahat ng bagay na dinaanan nito.

Ayon sa mga opisyal, humigit kumulang sa 1,200 katao ang nasawi — kabilang na ang 200 mga bangkay na natagpuan nitong Linggo sa bahaging baybayin — at 739 pa ang mga nawawala sa nangyaring sakuna.
Pinawi naman ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Mario Montejo ang pangamba ng publiko dito sa Pilipinas sa posibleng epekto sakaling magkaroon ng nuclear meltdown sa Japan.

Ayon sa kalihim, batay sa "wind pattern" sa susunod na tatlong araw ay palayo aniya sa Pilipinas ang ihip ng hangin kung kaya't kahit magkaroon man ng malawakang nuclear radiation, maituturing na ligtas pa rin ang bansa.

Samantala, isang magandang balita naman, ayon sa Defense Ministry, ang pagkakaligtas ng isang military helicopter nito ring Linggo sa isang 60 taong gulang na lalaki na natagpuang lumulutang sa malayong baybayin ng Fukushima sa bubong ng kanyang bahay matapos na tangayin ng tsunami. Nasa kanilang pangangalaga na anila ito at kasulukuyang nasa mabuting kundisyon.

Sa pagtaya ng U.S. Geological Survey ay 8.9 ang magnitude ng lindol sa unang pagtama nito, habang ayon naman sa ginawang pagtaya ng mga opisyal sa Japan nitong Linggo ay nasa 9.0 ang lakas nito. Alin man sa dalawang nabanggit ay ang pinakamalakas na naitalang lindol sa Japan kung saan sinundan pa ito ng 150 malalakas na aftershocks. (Von Labalan/PIA Sorsogon)

No comments: