Sorsogon City (March 12, 2011) - Pitong coastal LGUs sa Sorsogon ang kusang nagsilikas mula sa kani-kanilang mga lugar kasunod ng tsunami alert level two warning na ibinigay ng Phivolcs kahapon.
Ito’y matapos na maganap ang isa sa pinakamalakas na lindol na tumama sa bansang Japan nitong Biyernes. Natukoy ang sentro ng 8.9 magnitude na lindol sa bahagi ng karagatan sa silangang baybayin ng nabanggit na bansa kung saan lumikha ito ng isang mabangis na tsunami na 23 talampakan o pitong metro ang taas, kasunod ang 50 mga pagyanig sa loob ng ilang oras,na karamihan ay nasa magnitude 6.0.
Bago naganap ang voluntary evacuation ng humigit kumulang sa 1, 606 na mga pamilya mula sa 51 mga barangay na nakabungad sa Karagatang Pasipiko ay nagpalabas ng babala ang tanggapan ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office sa mga residenteng nakatira malapit sa mga baybayin na maging alerto sa mga kakaibang galaw ng dagat.
Kasunod ito sa unang ibinigay na babala ng Phivolcs hinggil sa inaasahan na hanggang sa isang metrong paglaki ng mga alon sa karagatan lalo na anila sa mga coastal areas ng mga lalawigan sa buong bansa na nakabungad sa Karagatang Pasipiko.
Ayon pa rito, ang unang bugso ng tsunami waves ay inaasahang mararanasan nitong Biyernes sa pagitan ng alas-singko ng hapon at alas-siyete ng gabi. Hindi rin anila pareho-pareho ang sukat ng laki nito at posibleng magpatuloy ng ilang oras. Pinaalalahan din ng Phivolcs ang mga mamamayan na iwasang lumapit sa mga baybaying dagat habang nananatiling nakataas ang nabanggit na babalala.
Partikular sa mga coastal municipalities sa lalawigan ng Sorsogon ang Bacon District sa Sorsogon City, Prieto Diaz, Gubat, Barcelona, Bulusan, Santa Magdalena at Matnog.
Kung maaalala, nalagay din sa tsunami alert level two ang mga nabanggit na bayan bunsod ng naganap na 8.8 magnitude na lindol na tumama sa bansang Chile noong nakaraang Pebrero 27, 2010.
Napagalaman kay Jose Lopez ng SPDRMO na kusang nagsilikas nitong Biyernes ang humigit kumulang sa 1, 606 na mga pamilya mula sa 51 mga barangay sa mga naturang bayan sa kani-kanilang mga kamag-anak at kaibigan na nakatira sa mga matataas na lugar habang ang ilan naman ay nanatili sa mga evacuation centers.
Nito ring Biyernes ay naiulat ng mga otoridad sa bansang Japan na aabot na sa 500 at inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi habang humigit kumulang sa 349 ang nawawala at patuloy na pinaghahanap kasunod ng malagim na trahedya kung saan nagparamdam din ito sa Hawaii. Ayon pa sa ulat, sinakop ng alerto nito ang buong Pacific at umabot hanggang South America, Canada, Alaska at buong U.S. West Coast.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kagabi, mas mababa anila sa inaasahang isang metro ang tsunami waves na nakarating sa ilang lugar sa Pilipinas taliwas sa naunang pagtaya ng ahensya.
Naramdaman ang tama ng first wave dakong alas 6:00 kagabi kung saan naitala ang taas ng tubig sa 60 centimeters.
Ang ikalawang bugso ng tsunami wave ay naitala dakong alas-6:20 kagabi; 40 centimeters naman ang taas ng tubig na naitala sa ikatlong tsunami wave dakong alas-6:50 at ganoon din dakong alas-7:30 kagabi.
Samantala, dakong alas-12:00 na ng hatinggabi nang ibinaba na Phivolcs ang tsunami alert level na ipinataw sa 19 na mga lalawigan sa bansa, kasunod ng 8.9 magnitude na lindol na tumama sa Japan.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, ibinaba na nila ang alert level na unang ipinataw sa bansa dahil sa patuloy umanong pagganda ng sitwasyon na kanilang natatanggap tungkol sa mga tsunami waves.
Sinabi pa ni Director Solidum, na bagama’t kanselado na ang tsunami alert level ay nagpaalala pa rin sila sa mga naninirahan sa mga coastal areas na iwasan ang pagpunta sa tubig dahil nararamdaman pa umano ang lakas ng current nito.
Ang mga lugar na nagkaroon ng paglilikas ay ang mga sumusunod: Batanes Islands, Cagayan, Ilocos Norte, Isabela, Quezon, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, Northern Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental at Davao del Sur. (Von Labalan/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment