Monday, April 4, 2011

Workshop para sa mga kasapi ng PDRRMC tutukoy sa lawak ng kahandaan at pagtugon nito sa kalamidad


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 4 (PIA) – Kasalukuyang sumasailalim ngayon sa isang araw na workshop ang mga kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at kinatawan ng mga piling national government agencies dito sa Sorsogon upang matukoy kung hanggang saan na ang mga nagawa nitong disaster risk reduction approaches para sa mga local government units dito partikular yaong mga lantad sa iba’t-ibang mga uri ng panganib dala ng mga kalamidad.

Magiging mga tagapagsalita sina Provincial Management Office Executive Director Sally Ante Lee, Earthquake Megacities Initiative Incorporated (EMI) General Secretary Atty Violeta S. Seva, at mga kinatawan ng Office of the Civil Defense Region 5 at Provincial Disaster Risk Management Office Sorsogon.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office public relations officer Von Labalan,  ang aktibidad ay bahagi ng ginagawang capacity needs assessment for disaster preparedness and response ng United Nations World Food Programme-Philippines (UNWFP) kung saan kinomisyon nito ang Earthquake Megacities Initiative Incorporated (EMI) nang sa gayon ay makapagsagawa ng capacity needs assessment upang matukoy ang lawak ng kahandaan at pagtugon sa panahon ng kalamidad ng apat na kunsideradong ‘extremely disaster-prone provinces’ sa Luzon --- ang Benguet, Cagayan, Laguna at Sorsogon.

Matapos ito ay nakatakda ring magsagawa ng dalawang araw na pagtatasa ang EMI sa mga bayan ng Irosin at Juban mula bukas hanggang sa Miyerkules, base na rin sa multi-hazard exposure at income classifications ng mga ito. (PIA Sorsogon)



No comments: