Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 14 (PIA) – Sa pagdiriwang ngayong taon ng Nutrition Month dito sa lungsod, nagsasagawa ng iba’t-ibang mga aktibidad ang mga paaralan dito sa pangunguna na rin ng Parents Teachers and Community Association (PTCA).
Kabilang sa mga aktibidad na ito ay ang feeding program kung saan sa pamamagitan ng public-private partnership ay nakakalap ang mga paaralan ng pondo para sa nasabing programa. Pinaigting din ang pagganyak sa mga mag-aaral at magulang na suportahan ang ‘Gulayan sa Paaralan’ na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Agriculture (DA). Ang mga aning gulay ang siyang ginagamit nila sa mga feeding program na isinasagawa nila sa mga paaralan.
Maliban dito ay hinikayat din ang mga magulang na magtanim din ng mga gulay sa kanilang bakuran na mapagkukunan nila ng ilalagay sa kanilang hapag.
Ayon kay City Schools Division Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP) Supervisor Nestor Detera, higit ding pinaigting ang pagpapakalat ng mga pangkalusugan at pangnutrisyong impormasyon sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa mga magulang at pagsasanib ng kahalintulad na impormasyon at paksa sa mga asignaturang Filipino, Ingles at Agham.
Bilang tugon naman sa tema ngayong taon, ang “Isulong ang Breastfeeding – Tama, Sapat at Ekslusibo”, sinabi ni City Health and Nutrition Coordinator Pierre Dellosa na nagsasagawa sila ng Mother’s Class upang ipaliwanag sa mga ito ang kahalagahan ng pagpapasuso ng gatas ng ina sa mga sanggol at ang pagkakaiba nito kumpara sa mga nabibiling gatas sa mga pamilihan.
Ayon pa kay Dellosa, dapat lamang na maging mulat ang isipan ng mga magulang at mag-aaral sa kahalagahan ng nutrisyon upang hindi magkaroon ng kalamidad sa kalusugan.
Samantala, sinabi din ni Dellosa na kung mapopondohan, maganda ring maibalik ang sistema at uri ng feeding program noong mga nakaraang dakada kung saan bawat mag-aaral ay may nakalaang nutri-bun, bulgor, mais, monggo, gatas at iba pang mga masusutansyang pagkaing ipinapakain sa mga bata at maging sa pamilya nito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment