Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 28 (PIA) – Tulad ng inaasahan, iba-iba ang naging reaksyon ng publiko sa naging State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III ng nakalipas na araw.
May mga kumbinsido, may mga hindi kumbinsido at mayroon ding halos ay walang pakialam sa mga kaganapan sa kanilang paligid.
Subalit magkagayon man, halos ay 60 porsyento pa rin ng mga mamamayan mula sa iba’t-ibang sektor ng komunidad dito ang nagsasabing positibo pa rin silang matutugunan ng Pangulo ang minimithi nitong “Tuwid na Landas” lalo pa’t mayroon pa itong limang taon upang pagtrabahuhan ito.
Ilan sa mga nakita ng mga ito na anila’y hindi maglalaon ay matutugunan din ay ang hakbang na ginagawa ngayon ng pamahalaan ukol sa job and skills mismatch na isa sa nagiging ugat sa kawalan ng trabaho ng maraming gradweyt na mga Pilipino at sa mabagal na pag-asenso ng kabuhayan ng mga ito at ng kanilang pamilya.
Malinaw din diumano ang hamon ng Pangulo ukol sa pagtanaw ng utang na loob, ngunit ayon sa ilang Sorsoganon ay dapat na kaakibat din nito ang pagpapakumbaba at pagpapatawad na kadalasan ay kulang sa karamihan ng mga Pilipino bagkus ay nagtuturuan na lamang upang maisalba ang sarili sa pananagutan.
Ayon naman sa ilan, maganda ang naging pagkakalahad ng Pangulo lalo’t ginamit nito ang wikang Filipino, subalit nakukulangan sila sa substance o laman. Hindi pa rin umano malinaw sa kanila ang mga konkretong indikasyong nararapat gawin upang makamit ang minimithing adyenda ng Pangulo sa loob ng kanyang panunungkulan.
“Masyadong generic ang mga plano at wala talagang konkretong mga hakbang na gagawin upang makarating sa matuwid na landas at buhay na buhay na Pilipinas,” ayon pa sa mga ito.
Nakakalungkot din diumano na hindi man lang niya nabigyang linaw ang mga isyung halos ay paulit-ulit na isinisigaw ng karamihan sa kalsada man o hindi at nais mabigyan ng solusyon ng karamihan tulad ng isyu sa reporma sa lupa, populasyon, halaga ng bilihin, pagtaas ng presyo ng langis, pagtaas ng sahod hindi lamang ng mga guro at nakaunipormeng manggagawa kundi maging ng mga ordinaryong manggagawa sa pamahalaan at pribadong sector.
Samantala, nagpasalamat naman ang pamunuan ng Philippine National Police sa suporta ng publiko dahilan upang maidaos ng matahimik at mapayapa ang SONA ng Pangulo sa kabila ng ilang mga kilos protesta na isinagawa ng mga militanteng grupo. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment