Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 29 (PIA) – Muling pinatunayan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon na pursigido silang ipatupad ang mga hakbang na makakatulong upang mabawasan ang epektong dala ng Climate Change.
Kaugnay nito, namahagi ang pamahalaang lungsod ng mga Light Emitting Diode (LED) sa apat na mga barangay nito, ang Bitan-o, Talisay, Sirangan at Dalipay upang siyang gamitin para sa kanilang mga street lights.
Dalawampung LED power saving device ang natanggap ng bawat barangay noong Sabado na ipinamahagi sa Sorsogon City Hall sa pangunguna ni City Administrator Ret. Gen. Ireneo Manaois
Ayon kay Talisay Brgy. Captain Dennis Valladolid, agad silang nagsagawa ng kaukulang clearing sa kanilang barangay upang maikabit at tuluyan nang magamit ang nasabing mga ilaw.
Laking pasasalamat naman ng mga kapitan ng apat na barangay sapagkat maliban sa malaki na ang matitipid nila sa bayarin sa kuryente, makakadagdag din ito sa pagmamantini ng seguridad sa kanilang mga barangay.
Matatandaang mismong ang mga nasa fifth year na electrical engineering students ng Sorsogon State College (SSC) noong nakaraang taon ang nagpatunay sa pamamagitan ng isang research study ukol sa LED bilang mabisang alternatibong gamit sa pagdisenyo ng isang uri ng ilaw.
Pinatunayan din nitong matipid itong gamitin dahilan sa mababang kunsumo nito sa kuryente at may light output na 120.6 lumens at lakas na katumbas ng 1.2 watts.
Mas matibay din diumano ito kumpara sa mga fluorescent lamps na madaling mabasag, mas tumatagal at walang mercury content na mapanganib sa kalusugan ng mga tao. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment