Wednesday, August 24, 2011

DPWH-S2DEO magtatayo ng mga rainwater collector


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 24 (PIA) – Masasagutan na ngayon ang mga suliraning kinakaharap ng ilang mga lugar dito sa lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng patuloy na pagkonti ng mga mapagkukunan ng tubig na maaaring gamitin sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sorsogon 2nd District Engineer Juanito Alamar, dahilan sa mga pagbabagong nagaganap ngayon dala ng climate change at global warming, minabuti ng pamahalaan na agarang aksyunan at magpatupad ng mga programa at proyektong makakatulong upang mabawasan ang epektong dala ng mga pagbabagong ito.

Isa din diumano sa mga bahagi ng Disaster Risk Reduction Management ng pamahalan ang pagtugon nito sa El Nino phenomenon kung kaya’t binuo ng mga mambabatas sa bansa ang Republic Act 6716 o ang Rain Water Collection System Law upang matugunan ang suliraning ito sa kakulangan sa tubig.

Sinabi ni Engr. Alamar na sa batas na ito, binigyang kapangyarihan ang DPWH bilang ahensyang pang-imprastruktura ng pamahalaan, na magtayo ng mga instrumento o kagamitang kokolekta ng tubig mula sa mga balon, bukal at ulan.

Ang mga rain water collector na ito ay ilalagay sa mga pampublikong lugar partikular sa mga paaralan kung saan mataas ang kakulangan sa tubig o halos ay wala nang suplay ng tubig.

Kaugnay nito, isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nakatakdang pirmahan ng DPWH-Sorsogon 2nd District Engineering Office (S2DEO) at ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng mga principal ng mga benepisyaryong paaralan. Sa MOA, ang DepEd ang siyang magmamantini ng kalinisan ng rain water collector at titiyak sa kakayahan nito bilang imbakan ng tubig upang gamitin sa mga paaralan, bahay at maging sa mga panahon ng kagipitan.

Ang DPWH naman, maliban sa mandato nito, ang siyang magiging katuwang ng DepEd sa mga suportang teknikal at advisory services. Ito rin ang susubaybay sa pagtupad ng DepEd sa RA 6717 at sa pagsumite ng kanilang monthly accomplishment report ukol sa kalagayan at kakayahan ng rain water collector. (PIA Sorsogon)

No comments: