Friday, December 9, 2011

DA-HVCDP tugon sa pagpapaangat ng kabuhayan ng komunidad


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, December 9 (PIA) – Limang mga organisasyon sa lalawigan ng Sorsogon kabilang na ang Rural Improvement Club (RIC) ang tatanggap ngayong araw ng mga kagamitan para sa paggawa ng Pili Shellcraft.

Pangungunahan ng Department of Agriculture (DA), opisyal nang ipamamahagi ang limang set ng mga kagamitan kasama na ang mga makina sa mga aydentipikadong benepisyaryo ng Pili Development Program sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP).

Ang HVCDP ay isa sa mga prayoridad na programa ng DA na binuo upang matugunan ang seguridad sa pagkain, pagbabawas ng kahirapan at sustenableng pag-unlad ng komunidad.

Tinutulungan din nitong maisulong ang produksyon, proseso, bentahan at pamamahagi ng mga matataas na kalidad ng produkto at mapataas ang kita, makabuo ng oportunidad pangkabuhayan at makaambag sa pag-papaunlad ng pambansang agrikultura sa Pilipinas.

Inaasahang dadalo sa aktibidad sina Dr. Jose V. Dayao, Regional Executive Director ng DA-Bicol Regional Field Unit, HVCDP regional Coordinator Rose M. Imperial, Regional Agriculture and Fisheries Council (RAFC) Chair Alfredo Rillo, Provincial AFC Chair Godofredo Ditan, Sorsogon Provincial Management Office Executive Director Sally A. Lee at Asst. provincial Agriculturist Dr. Ma. Teresa V. Destura.

Ang opisyal na pamamahagi ng mga kagamitan ay isasabay din sa gagawing 178th Provincial Agriculture and Fisheries Council meeting kung saan tatalakayin ang mga naging kaganapan sa isinagawang 3rd Bicol AFC Summit 2011 at mga impormasyong nakuha mula sa ginanap na “Local Government Unit (LGU) Consultation on the Formulation of Agri-Fisheries Modernization Plan for 2012-2017”.

Nakatakda ring magbigay ng ulat ang mga Municipal AFC alinsunod sa National AFC monitoring/accomplishment forms at pagususmite ng PAFC secretariat ng mga kopya ng ginawa at ipinasang Municipal at City AFC resolution ngayong taon at paglalahad ng mga aksyong ginawa ng mga kinauukulang ahensya. (PIA Sorsogon)




No comments: