Monday, December 5, 2011

TB stigma malaking hadlang pa rin sa pagtukoy at paggamot sa mga maysakit na TB


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 5 (PIA) – Sa kabila ng matagal nang pagsisikap ng mga kinauukulan na labanan ang sakit na Tuberculosis (TB) nananatiling malaking hadlang pa rin ang stigma o marka ng kahihiyan sa pagkakaroon ng TB upang matukoy at tuluyang masugpo ang pagkalat ng sakit na ito.

Sa datos ng World Vision, ang non-government organization na katuwang ng Sorsogon City Health Office sa pagsugpo sa sakit na TB, sa kabila ng nalagpasan nila ang target na bilang ng case detection sa lungsod, marami pa ring mga may sakit na TB ang hindi lumalantad at hindi nagagamot.

Isang halimbawa na ibinigay nila ang kaso ni Clarita Detera, 54 taong gulang mula sa Brgy. San Pascual sa Bacon District, Sorsogon City kung saan namatay ito sa sakit na TB noong Hunyo nitong taon. 

Bago umano ito nasuri, kinakitaan na ito ng sintomas ng TB isang taon na ang nakararaan. Hinikayat na umano ito ng midwife sa barangay na magpasuri sa health center subalit ipinagwalang-bahala lamang ito ng biktima at tulad ng kadalasang sinasabi ng mga nahihiyang sabihing potensyal sila sa sakit na ito, sinabi lamang ng biktima na “ubo lamang ito”, “wala akong TB” at “bigyan mo na lang ako ng anti-biotics”.

Sa loob umano ng isang taon ay pilit na itinago ito ng biktima, subalit noong hindi na nito makaya ang sakit ay napilitan na itong magpasuri ng kanyang plema o sputum. Subalit ang nakalulungkot, mas naging mabilis ang kanyang kamatayan kaysa sa paggamot sa kanya. Namatay siya ilang linggo lamang matapos na mapatunayang may sakit ngang TB ito.

Ang markang ito ay maaaring internal o yaong tinatawag na self-stigma o external o yaong tinatawag na diskriminasyon.   

Ang markang internal ay maari umanong maging daan upang magtago o umayaw ang pasyente na humingi ng tulong habang ang markang external ay maaari namang maging daan upang magkaroon ng diskriminasyon o negatibong reaksyon na maaaring makasira sa isang taong may sakit na TB.

Kaugnay nito, sinabi ng mga awtoridad sa kalusugan na dapat na masagutan kaagad ang suliraning ito. Isa na rito ay ang pagpapaigting pa ng mga TB classes at house to house campaign sa tulong na rin ng mass media. Naniniwala umano silang malaki ang papel ng media sa pagpapababa o pag-aalis ng mga marking dala ng sakit na TB. (PIA Sorsogon)

No comments: