Wednesday, February 8, 2012

Pagtatayo ng mga “Bagsakan Center” sa Sorsogon pinag-aaralan na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 8 (PIA) – Ang pagkakaroon ng mga “Bagsakan Center” sa mga istratehikong lugar ang matagal nang hinihiling ng mga magsasaka sa Sorsogon kung saan madali nilang madadala at maibebenta ang kanilang mga produktong agrikultural.

Ito ang pinag-aaralan sa ngayon ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon upang matugunan na sa lalong madaling panahon ang matagal nang kahilingang ito ng mga lokal na magsasaka dito.

Kaugnay nito, isang resolusyon ang nakatakdang isumite ng Sangguniang Panlalawigan kay Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala sa pamamagitan ni DA Undersecretary Antonio Fleya.

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan Board Member Benito Doma, naniniwala siyang matutugunan ang kahilingang ito ng mga magsasaka sa lalawigan lalo na’t alinsunod din ito sa repormang agrikultural na nais bigyan ni DA Sec. Alcala na inihayag din niya sa kanyang pagbisita sa Sorsogon noong nakalipas na buwan ng Enero.

Aniya, kabilang sa mga mga target na istratehikong lugar sa Sorsogon na nais pagtayuan ng mga “Bagsakan Center” ay ang bayan ng Castilla na kilala sa iba’t-ibang mga produktong agrikultural na lamang-ugat tulad ng kamote, kamoteng-kahoy, gabi at iba pang mga kahalintulad na produkto.

Nais din nilang malagyan ng “Bagsakan Center” sa bayan ng Irosin na kinukunsiderang “Rice Granary” ng lalawigan ng Sorsogon at sa bayan ng Matnog na siyang “entry point” at “exit point” patungong rehiyon ng Visayas at Mindanao.

Buo din ang paniniwala ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon na ang pagkakaroon ng mga “Bagsakan Center” dito ay higit na makahihikayat pa sa mga magsasaka upang doblehin ng mga ito ang kanilang pagsisikap na magtanim lalo’t mayroon nang potential at regular mechanization program ang Kagawaran ng Agrikultura dito na higit na makakatulong sa pagkakaroon ng magandang produksyon ng kanilang mga produktong agrikultural. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: