Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 27 (PIA) – Inihayag ni Assistant Provincial Agriculturist Ma. Teresa Destura na sisimulan na ng kanilang tanggapan ang mga programang inaprubahan ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon partikular yaong may mga pangangailangang pinansiyal.
Ayon kay Destura, bago pa man natapos ang taong 2011, naihanda na nila ang kanilang financial plan upang agarang maipatupad ang mga programang makakatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at nailahad na rin nila ito kay Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala noong bumisita ito dito noong nakaraang buwan.
Ilan sa mga pangunahing proyektong ito ay ang pagtatayo ng Pili Technology and Commercialization Demo Center, pagtatayo ng Tricoderma Production Facility para sa programang may kaugnayan sa produksyon ng mga organikong bagay at paglalagay ng shellfish farm sa bayan ng Juban.
Ayon pa kay Destura, malaki ang kanilang pasasalamat sa Department of Agriculture sa agarang pagbibigay din nito ng kontribusyong pinansyal sa halagang P150,000.
Ipinaliwanag ni Destura na karamihan sa mga programang pang-agrikulturang ipinatutupad at ipatutupad sa probinsya ay alinsunod sa mandato ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon na suportado din ng Kagawaran ng Agrikultura.
Matatandaang matapos na bisitahin ni DA Secretary Alcala ang lalawigan ng Sorsogon noong Enero ay agad din nitong inatasan si DA Under Secretary for Finance Antonio A. Fleta na pumunta sa Sorsogon upang ayusin ang mga napagkasunduang programa para sa lalawigan ayon na rin sa binitiwang pangako ng Kalihim na matapos ang dalawang linggo ng kanyang pagbisita ay agad na niyang iuutos ang pagsisimula ng mga kinakailanang proyekto.
Labis namang ikinatuwa ng mga nasa sektor ng sakahan at pangisdaan dito ang agarang aksyon ng Department of Agriculture at ng tanggapan ng Provincial Agriculturist kung kaya’t inaasahan din ang pagtaas pa ng produksyon ng agrikultura sa lalawigan dahilan dito. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment