Wednesday, February 29, 2012

TOPCOP Refresher Seminar pinangunahan ng DOT R-5


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 29 (PIA) – Sa pangunguna ng Department of Tourism Regional Office 5 (DOT R-5), matagumpay na naisagawa ang isang refresher seminar para sa mga tauhan ng Tourist Oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP) sa pamumuno ni Officer-In-Charge Police Senior Inspector Diosdado O. Melitante na nakabase sa Brgy Dancalan, Donsol, Sorsogon.

Ayon kay Police Senior Inspector Romeo M. Gallinera, hepe ng Police Community Relations at Public Information Officer ng Sorsogon Police Provincial Office, kabilang sa mga lumahok sa isang araw na seminar ay ang mga tauhan ng Coast Guard at mga tauhan ng Donsol Municipal Police Station. Ginanap ito sa loob ng TOPCOP Tourist Assistance Center sa Brgy. Dancalan sa bayan ng Donsol noong ika-26 ng Pebrero 2012.

Naging bisita si Binibining Amelia Z. Detera mula sa tanggapan ng Supervising Tourism Operation ng Department of Tourism Regional Office 5 at naging panauhing tagapagsalita naman si Ginoong Danilo Intong, ang Tourism Consultant ng DOT, RO 5.

Tinalakay ni Intong ang industriya ng turismo sa rehiyon ng Bikol at ipinaliwanag din niya ang kahulugan ng turismo na aniya’y isang paglalakbay ng isang indibidwal o grupo ng mga indibidwal mula sa lugar na kanilang pinagmulan upang bisitahin ang iba pang lugar at makakuha ng panibagong karanasan o kaalaman na maaari niyang madala sa kanyang pagbabalik sa kanyang pinagmulan, sa halip na mahikayat na isangkot ang sarili sa negosyo o di kaya’y magtrabaho sa binisitang lugar.

Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pag-asenso ng isang lugar o destinasyong panturismo at nagagalak umano ang Department of Tourism sa Donsol TOPCOP dahilan sa malaking ambag nito sa pagpapaangat ng imahe ng mga kapulisan partikular sa ipinapakita nilang magandang pamamaraan ng pakikitungo sa mga turistang bumibisita sa bayan ng Donsol na nais makakita at makisalamuha sa pamosong Butanding. (SPPO/PIA Sorsogon)


 TOPCOP Refresher Seminar. DOT, RO 5 Tourism Consultant Mr. Danilo Intong served as resource speaker during the refresher seminar for personnel of the Tourist Oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP) on Feb. 26, 2012 at Brgy. Dancalan, Donsol, Sorsogon. (PO3 MDEspena, SPPO/PIA Sorsogon)

TOPCOP Refresher Seminar. Ms. Amelia Z. Detera, representative from the Supervising Tourism Operation, DOT-RO5 provides tourism input to the participants during the TOPCOP refresher seminar spearheaded by the Department of Tourism Regional Office 5 in Donsol on Sunday, Feb 26. (PO3 MDEspena, SPPO/PIA Sorsogon)


No comments: