Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, September 27 (PIA) –Matagumpay
na naidaos kahapon ang press conference kaugnay ng gagawing pagdiriwang ng
Kasanggayahan Festival sa darating na Oktubre 8 hanggang 17 ngayong taon.
Dalawampu’t-anim na mga kasapi ng lokal na
tri-media ang dumalo sa nasabing aktibidad habang naroroon naman ang mga
coordinator ng halos lahat ng mga aktibidad na gagawin kaugnay ng gagawing
pagdiriwang.
Ipinaliwanag ni Assistant Provincial
Agriculturist Ma. Teresa Destura ang tema ng pagdiriwang, “Kasanggayahan 2012:
Sorsogon Paunlarin, Agrikultura’t Industriya Pasiglahin”, kung saan aniya
itatampok sa sampung araw na pagdiriwang ang mga natatanging produktong agrickultural
ng Sorsogon at mga taong may malaking papel sa agrikultural na pag-unlad ng
lalawigan.
Tiniyak din niya ang buong partisipasyon ng
mga magsasaka sa buong lalawigan lalo pa’t nagkaroon ng maayos na koordinasyon
sa mga Municipal Agriculturist ng 14 na bayan at isang lungsod ng lalawigan.
Ayon naman kay Sorsogon Provincial
Management Office Executive Director Sally A. Lee at siyang kumatawan kay
Governor Raul R. Lee, maliban sa itatampok ang mga produktong agrikultural
tulad ng bigas, abaca, rootcrops at niyog, nais din nilang makilala ang iba
pang mga yamang mineral ng lalawigan tulad aniya ng pumice, limestone,
buhangin, ceramics at iba pa, kasama na rin ang cottage industry dito tulad ng
handicraft, pottery at food preservation.
Sinabi din niyang ito ang magsisilbing panimulang
taon sa gagawing 5-year development plan ng Kasanggayahan Festival kung saan
bawat taon ng pagdiriwang ay may itatampok na natatanging produkto, serbisyo o
katangian ng mga Sorsoganon hanggang sa tuluyang magkaroon ng sariling
pagkakakilanlan ang lalawigan.
Matapos na iprisinta ang kabuuang aktibidad
ng Kasanggayahan Festival 2012, binigyan na ng pagkakataong magbigay suhestyon,
makapagtanong at malinawan ang mga kasapi ng media at ilan sa mga lumabas na
paglilinaw ay ang tungkol sa mga kumakalat na solicitation gamit ang
Kasanggayahn Foundation, Inc.
Nilinaw ng mga organizers na walang
sinusuportahang popularity contest ang KFI o ang provincial government tulad ng
Search for Ms. Kasanggayahan. Nanawagan din sila sa publiko kung sakaling may
matatanggap na mga solicitation ay berepikahin muna ito sa KFI o sa provincial
government.
Nanawagan din si Msgr.
Monje sa mga media na suportahan ng buo ang Kasanggayahan Festival lalo pa’t
festival ito ng buong lalawigan at ng mga mamayan ng Sorsogon. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment