Tuesday, September 25, 2012

DENR nagpalabas ng panuntunan hinggil sa EO 79



LUNGSOD NG SORSOGON, September 24 (PIA) – Ipinalabas na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Implementing Rules and Regulations o IRR para sa Executive Order 79 o Reporma sa Pagmimina sa Pilipinas.

Sa press release na ipinalabas ng DENR Bicol, nakasaad ang pahayag ni DENR Secretary Ramon Paje na layunin ng IRR na makamit ang anim na puntong agenda ng Climate Change Adaptation and Mitigation gayundin ng Economic Development Cluster ng gabinete upang masiguro ang kontribusyon ng industriya ng pagmimina sa sustenableng pag-unlad ng Pilipinas, pag-obserba ng maayos na pamamahala ng gobyerno para masiguro na maproteksyonan ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagamit ng mga metodong teknikal at seyentipikal.

Dagdag pa rito, ang nasabing IRR ang nagbubuklod sa mga local at national law para sa pagkakaroon ng patas at mahusay na paghahati-an ng kita galing sa pagmimina.

Nakapaloob din sa IRR ang pagbabawal ng pagmimina sa ilang lugar gaya ng mga nasa tourism development areas na nakadesenyo hindi lamang sa national tourism development plan kundi gayon din sa mga local tourism development plan. Una ng idineklara ang pagbabawal sa pagmimina sa mga protected areas, prime agricultural lands, mga lupang sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Law, taniman para sa mga high value crops, strategic agriculture and fishiries development zones, fish refuge and sanctuaries at ibapang mga kritikal na lugar na idineklara ng DENR gaya ng island ecosystem.

Binigyang-linaw din umano ng kalihim na magpapatuloy ang mga kontrata sa pagmimina, kasunduan at concesions na una nang naaprubahan bago pa ipatupad ang EO subalit dapat na istriktong matyugunan ang mga ipinatutupad na batas at mga panuntunan. Ang alinmang aplikasyon sa pagmimina na sakop ng mga isinarang minahang lugar ay ibabasura alinsunod sa ipinatutupad na IRR.

Maari ding magpatuloy ang mga small scale mining sa mga lugar na deklaradong minahang bayan ng DENR. (RMendones, DENR-V/BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: