Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 5 (PIA) –
Upang matiyak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang maayos at ligtas na byahe ng
mga malalaking sasakyang pandagat hindi lamang sa panahong dagsa ang mga
pasahero kundi maging sa regular na mga pagbyahe nito, sinimulan ng PCG
Detachment ng Matnog ang pagsasagawa ng Emergency Readiness Evaluation (ERE) sa
mga tauhan o crew ng Roll-on Roll-off (RoRo) Vessel na may byaheng Matnog,
Sorsogon patungong Allen at Dapdap sa Northern Samar.
Sa panayam ng PIA kay SW1 Michelle E.
Pantangan ng PCG Sorsogon Station, sinimulan ng Coast Guard Detachment Matnog ang
pagsasailalim sa mga tauhan ng sasakyang RoRo kalagitnaan ng Oktubre ngayong
taon at magpapatuloy pa umano ito hanggang sa matapos na nila ang siyam na mga
barkong may rutang Matnog-Allen-Matnog at Matnog-Dapdap-Matnog.
Dalawa umano sa siyam na mga Roro vessel
ang natapos na nilang isailalim sa ERE nitong Oktubre at ngayong tapos na ang
pag-obserba ng Undas ay sisikapin nilang maisailalim na rin ang pitong natitira
pang mga barko.
Aniya, lahat ng ‘man over board’ ng mga
barkong RoRo mula sa may pinakamataas hanggang sa may pinakamababang ranggo ay
dapat na sumailalim sa ERE kung saan natatasa dito ang kakayahan ng mga tauhan
ng RoRo pagdating sa mga sumusunod: Abandonship,
Fire in Port and at Sea, Collission at Port and at Sea, Emergency Steering at Man Overboard.
Mahalaga din umanong nakukuha ng mga
barkong naglalayag ang mga feedback o saloobin ng mga pasahero ukol sa
serbisyong ibinibigay ng nasasakyan nilang mga barko.
Sa pamamagitan ng ERE tinitiyak ng
Philippine Coast Guard na maiiwasan ang anumang mga sakuna sa karagatan sanhi
ng kapabayaan o di kaya’y pagkakaroon ng anumang hindi inaasahang pangyayari. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment