Friday, May 10, 2013

Philippine Army pangungunahan ang “Sama-samang Panalangin para sa Matahimik at Patas na Halalan 2013”


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 9 (PIA) – Isang Prayer Vigil at  sabay-sabay na pagsisindi ng kandila ang nakatakdang pangunahan ng mga tauhan ng 903rd Infantry Brigade mamayang 6:30 ng gabi sa Capitol Park, Lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay 903rd Brigade Commander Col. Joselito E. Kakilala ang aktibidad ay hindi lamang gaganapin dito sa Sorsogon kundi sa lahat ng dako ng Katimugang Luzon.

Tinaguriang “ Sama-samang Panalangin para sa Matahimik at Patas na Halalan 2013”, layunin nitong mapag-isa ang Comelec, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Philippine National police (PNP), Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan (LGU), Civil Society Group (CSO) at media na magsagawa ng isang sama-samang panalangin upang matiyak na makakamit ang ligtas at patas na halalan ngayong 2013.

Ayon pa kay Col. Kakilala, nais din nilang maikintal sa isipan ng publiko na sila mismo ay dapat na maging mapagbantay at aktibong makilahok nang sa gayon ay maisakatuparan nila ang kanilang pulitika na karapatan at malayang makapili ng mga lider nang hindi pinilt at walang pananakot.

Sa gaganaping programa, ilang mga kalahok din ang naatasang magbigay ng mensahe at panalangin ukol sa kapayapaan, katapatan, pagmamahala sa Diyos at sa bansa. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: