Tuesday, July 16, 2013

NYC nanawagan sa mga kabataan na magparehistro sa darating na SK Election


Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 15 (PIA) – Nanawagan kamakailan si Naga National Youth Commission  Coordinator Nydia Delfin at hinihikayat ang mga kabataan na  lumabas, makilahok at magparehistro sa darating na Hulyo 22-31, 2013 bilang  mga bagong botante  sa  papalapit na  Sangguniang Kabataan (SK) Election.

Ang mga nabanggit na kabataan na kabilang sa rehistrasyon ay edad 15 hanggang 17 taong gulang at nanirahan sa loob ng anim na buwan sa kanilang barangay.

Kinakailangan lamang aniya na magdala ng isa sa nabanggit na resikitos tulad ng birth certificate, baptismal at school record sa Comelec upang mabilis na maiproseso ang kanilang rehistrasyon.

Idaraos ang SK at Barangay Election sa darating na Oktubre 28, 2013 mula 7:00 ng umaga at magtatapos ng 3:00ng hapon alinsunod sa Republic Act 9164 na umaamyenda ng nasabing probisyon ng Local Government Code of 1991.

Samantala, itinakda naman ang pagsusumite ng Certificate of Candidacy ng mga aspiranteng kapitan at opisyal ng SK sa Oktubre 15-17, 2013, pagkatapos ay opisyal na bubuksan ang araw ng kampanya sa ika-18 hanggang 26 ng Oktubre ngayong taon.

Sinabi ni Coordinator Delfin na ngayon na ang oras at panahon para sa  mga kabataan na pumili ng mga karapatdapat at matalinong  lider sa kanilang lugar na siyang  magpapabot  ng kanilang boses  para sa  higit pang  produktibong kabataan sa matuwid na daan.

Samantala  ayon  sa Comelec, kabilang sa mga ipinagbabawal sa panahon ng eleksyon ay ang pag-iisyu ng appointment, promosyon, paglikha ng mga bagong posisyon at pagbibigay ng  mataas na pasahod sa pampublikong mga tanggapan, pagpapalabas ng mga bilanggo, paglikom ng pera sa pamamagitan ng pasayaw, pasugalan, sabong at iba pa.

Dagdag pa rito ang mahigpit na pagbabawal sa pagbitbit ng  anumang nakamamatay na armas tulad ng baril at patalim, pag-organisa o pagmamantini ng  mga grupo, paglilipat ng mga kawani at mga empleyado o mga guro, pagsususpindi ng mga halal na opisyal at paggamit ng mga security personnel bilang mga alalay ng kandidato. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

No comments: