Mga botante habang naghahanap ng kanilang pangalan. |
LUNGSOD NG
SORSOGON, Oktubre 29 (PIA) – Naging mapayapa sa kabuuan ang naging pagtatasa ng mga
awtoridad sa naganap na Barangay Election kahapon, Oktubre 28, 2013. Sa tulong
ng mga guro na nagsilbing Board of Election Inspectors (BEI) para sa eleksyon
naging mas mabilis ang daloy ng botohan sa mga presinto na itinalaga sa
bawat barangay.
Ayon kay Sorsogon City Police Chief PSupt Aarne Oliquiano, wala
silang naitalang anumang mga insidente o karahasang maaaaring maiugnay sa
naganap na halalan.
Eksaktong alas-syete ay binuksan na ang mga voting precincts para
sa pagboto. Maliban sa naging kalituhan ng ilan sa paghahanap ng kanilang
pangalan, malakas na buhos ng ulan sa ilang mga lugar sa lalawigan, at iilang
mga reklamo ukol sa paglabag sa ilang mga panuntunan ng Commission on Election
(Comelec) ay nanatiling mapayapa, maayos at ligtas ang naganap na halalan.
Alas-syete pa lamang ay nakahanay na ang mga botante. |
Nakalulungkot nga lang isipin ayon sa ilang
mga obserbador na sa barangay level kung saan napakalaki ng papel na ginagampanan
ng mga opisyal ng barangay sa pag-unlad ng komunidad ay kakambal na ng botohan
ang vote buying. Kaugnay nito, panawagan ng mga obserbador na nawa’y matutunan
ng mga botante na sagrado ang boto at hindi ito dapat na ipagbili.
Natapos ang eleksyon sa ganap na alas-tres ng hapon at sinimulan
agad ang bilangan para malaman ang mga nanalo sa mga barangay. Hindi na rin
inabot ng hatinggabi ang bilangan lalo pa’t kumpara sa mga nakaraang eleksyon
na gumagamit ng PCOS machine, ay mas maraming mga presinto ang binuksan ngayon
dahilan upang mabawasan ang pagsisiksikan at pagkakaantala sa pagboto.
Maging ang mga bilanggo ng Sorsogon Provincial Jail ay binigyan
din ng pagkakataong makaboto kung saan umabot din sa mahigit dalawang-daan ang
naging botante sa loob.
Matapos naman ang bilangan ay agad na ring iprinoklama ang mga
bagong halal na opisyales ng barangay. Hanggang sa sinusulat ang balitang ito
ay walang naitalang anumang mga pagpoprotesta mula sa mga natalong kandidato at
kung titingnan sa kabuuan ay mahinahon naman ang mga ito na tinanggap ang
kinahinatnan ng botohan sa barangay ngayong taon.
(AJamisola/BARecebido, PIA-5/Sorsogon)
No comments:
Post a Comment