Friday, May 14, 2010

PAGTATASA SA HALALAN 2010

SORSOGON CITY (May 14, 2010)– Sa pagtutulungan ng mga kinauukulan dito sa Sorsogon, maayos at matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang automated election dito sa bansa.

Sa lalawigan ng Sorsogon, kabilang sa mga naging mapamatyag at naging handa ay ang Phil. Coast Guard Sorsogon City Station, Bureau of Fire Protection-Sorsogon City, Police Provincial Office, Philippine Army, PPCRV at ang mga opisyal sa bawat Barangay.

Ang mga ito ay pawang naghayag na naging matiwasay ang halalan sa kabuuan at wala silang naitalang mga untoward incidences kaugnay ng ginawang botohan.

Samantala, mayroon ding naitalang pagpalya ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines sa ilang mga presinto dito subalit naging handa naman ang Comelec at SMARTMATIC personnel sa pagresponde sa mga problema kung kaya’t lahat naman ay nakaboto.

Kabilang sa mga kinaharap na suliranin ay ang mahabang pila ng mga botante at mabagal na sistema ng botohan.

Naghayag din ng mga suhestyon ang ilang obserbador para sa mga susunod pang automated election. Ilan sa mga ito ay ang paglalagay ng entrance at exit sa mga polling precincts, paglalagay ng special lane para sa mga senior citizens at mga may kapansanan.

Mas magiging madali din anila, ang gagawing botohan kung makakapag-accommodate ng mas maraming botante sa isang polling precinct at hindi lamang lilimitahan sa sampu sapagkat mas mahaba ang oras na nakaistambay lamang ang PCOS machine.

Mas mainam din anilang, magbigay ng mga numero sa bawat botante kung saan nakabase sa kanilang numero ang oras din ng pagboto upang hindi rin magsiksikan sa mga voting centers.

Subalit naranasan man ang ganitong mga eksena, sa kabuuan ay masasabing tunay na naging matiwasay ang naganap na halalan at nagpakita din ng positibong resulta ang ipinakitang partisipasyon ng mga mamayan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

PROVINCIAL WINNERS SA SORSOGON OPISYAL NANG IDINEKLARA NG COMELEC

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 13)– Pasado alas-kwatro na ng hapon kahapon nang opisyal na iproklama ng Comelec ang mga nanalong kandidato sa provincial level dito.

Mag-aalas tres naman kahapon nang kumpirmahin ng Provincial Comelec na 100% transmitted na ang mga election returns mula sa city at mga municipal canvassers ng Sorsogon.

Pinangunahan ni Provincial Election Supervisor Calixto Aquino ang pagproklama kay Raul Lee ng LAKAS-KAMPI-CMD at asawa ng incumbent Governor dito, bilang bagong halal na gobernador ng Sorsogon. Babalik naman sa pwestong pagkabise-gobernador ang dati na ring naging vice-governor ng lalawigan na si Antonio “Kruni” Escudero, Jr ng NPC-LP.

Idineklara ding panalo bilang Congressman sa 1st district si incumbent Salvador Escudero III ng NPC.

Taliwas naman sa resulta sa 1st district congressional post, naging dikit ang labanan sa 2nd district kung saan si incumbent Gubat Mayor Deogracias Ramos, Jr. ng Liberal Party ang nanalong congressman.

Samantala, kauna-unahang nakapagproklama ng mga nanalong kandidato ang bayan ng Irosin bandang alas syete y medya noong Martes habang ang bayan naman ng Donsol ang pinakahuling nakapagproklama kahapon ng hapon.

Ang mga sumusunod ang nanalo sa pagkaalkalde: Barcelona – Atty. Manuel Fortes, Jr. ng LP at kasalukuyang provincial administrator; Bulan –incumbent Mayor Helen Rose de Castro ng LAKAS-KAMPI-CMD; Bulusan – Michael Guysayko ng Nacionalista Party at anak ni incumbent Bulusan Mayor Juan Guysayko.

Castilla – incumbent Mayor Olive Bermillo ng LP; Casiguran – incumbent Mayor Ester Hamor ng Nacionalista Party; Donsol – incumbent Mayor Jerome Alcantara ng LP; Gubat – panalo ang 29 yrs old na si Ronnel Lim ng Nacionalista Party;

Irosin – Eduardo Ong ng PDP-LABAN; Juban – si Jimmy Fragata ng LAKAS-KAMPI-CMD at asawa ng three-term incumbent Mayor Tess Fragata; Magallanes – balik si Roque Carranza ng LAKAS-KAMPI-CMD na dati ring nanilbihan bilang alkalde ng Magallanes noon; Matnog – Emilio Ubaldo ng KAMPI na dati na ring nanilbihan bilang alkalde doon;

Pilar – incumbent Mayor Dennis Sy-Reyes ng NPC; sa Prieto Diaz – panalo si incumbent Provincial Board Member Jocelyn Lelis ng LAKAS-KAMPI-CMD habang sa Sorsogon City naman ay panalong alkalde si incumbent Mayor Leovic Dioneda ng LP.

Sa national post, panalo sa Sorsogon bilang Pangulo si Benigno Aquino III na nakakuha ng 132,575.

Sa pagkaBise-Presidente, panalo din si Jejomar Binay na may botong 174,865.

Landslide victory naman sa Sorsogon ang Ako Bicol Partylist na nakakuha ng 151, 121 votes.

Matapos ang proklamasyon, halos lahat ay nangakong matapos ang halalan ay kakalimutan na ang pulitika at sisimulan ang tunay na pagsilbi sa mga mamamayan sa pag-upo nila bilang mga bagong pinuno ng bayan.

Umaasa naman ang mga Sorsoganon na paninindigan ng mga bagong halal na pinuno ang kani-kanilang mga susumpaang tungkulin. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogn)

Friday, May 7, 2010

2010 Election Updates

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 7) – Nanawagan ang pamunuan ng Commission on Election (Comelec) sa mga opisyal ng Barangay na tulungan silang bantayan ang mga Precinct Optical Scan o PCOS machine na ilalagay sa kani-kanilang mga Barangay.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Calixto Aquino, ngayon higit kailanman nila kailangan ang kooperasyon ng bawat isa, nang sa gayon ay makamit ang minimithing maayos at matagumpay na halalan sa Lunes.

Matatandaang sinimulan na kahapon, May 6, ang distribusyon ng mga PCOS machines sa iba’t-ibang mga polling precincts sa lalawigan at nagpapatuloy pa ang distribusyon hanggang sa kasalukuyan.

Samantala, ang dapat sana ay election dry-run ngayon ay ipinagpaliban sa darating na Linggo, May 9 ayon na rin sa Memo Resolution 8825 na ipinalabas ng Comelec.

Umaasa ang Comelec Sorsogon at SMARTMATIC na tuloy-tuloy na nga ito sa linggo at wala na ring anupamang mga mabibigat na suluraning kakaharapin pagdating ng halalan sa Lunes. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

MAAYOS AT MAPAYAPANG HALALAN TINIYAK NG PNP AT COMELEC SORSOGON

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 6) – Apat na araw lang at halalan na kung kaya’t tiniyak ni Sorsogon Police Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit sa mga tauhan ng Commission on Election, mga Board of Election Inspectors at mga kinauukulan na magiging maganda at maayos ang sistema ng halalan sa darating na Lunes.

Ayon kay Olitoquit nagpalabas na siya ng direktiba sa kanyang mga tauhan na huwag makisawsaw at umiwas sa anumang mga aktibidad politikal at mantinihin ang integridad at kredibilidad ng mga kapulisan.

"Pawang nakauniporme ang lahat ng mga pulis na ilalagay sa mga polling precints katuwang ang Armed Forces of the Philippines," pagtitiyak pa ng opisyal.

Samantala, simula noong Miyerkules ay inilagay na sa full alert status ang buong pwersa ng mga kapulisan ayon na rin sa kautusan ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa bilang bahagi na rin ng pagmamantini ng peace and order situation kaugnay ng halalan sa Lunes.

"Mayroon ding Security Assistance Desk na ilalagay ang PNP limampung metro ang distansya mula sa loob ng lugar na pagbobotohan kung saan maaaring humingi ng tulong ang mga BEI, Comelec officials at maging ang mga mamamayan sakaling magkaroon ng mga untoward incidences.

Samantala, tiwala naman si Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino na hindi magkakaroon ng problema sa mga gagamiting Precinct Count Optical Scan o PCOS machine sa araw ng halalan.

Matatandaang dumating ang anim na raan siyamnapu’t dalawang PCOS machines noong nakaraang linggo at sisimulan na ang pamamahagi sa iba’t-ibang mga bayan bilang paghahanda sa gagawing dry-run sa Biyernes.

Tiwala din si Aquino na magiging maganda ang takbo ng halalan sa Mayo dahilan sa ginawa nilang paghahanda nitong mga nakalipas na buwan.

Tiniyak din niyang well-coordinated na ang lahat at sa kasalukuyan ay nasa monitoring stage na lamang ang Comelec. (Bennie A. Recebido)

ENERGY CAMP 2010 NG MGA KABATAAN NAGING MATAGUMPAY

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 5) – Naging matagumpay at makabuluhan para sa animnapu’t apat na mga kabataan ang isinagawang Energy Summer Youth Camp sa Base Camp ng Energy Development Corporation noong nakaraang linggo.

Ang aktibidad ay orihinal na konsepto ni EDC Vice Chairman at CEO Mr. Paul Aquino pitong taon na ang nakakaraan kung saan binibigyan nila ng pagkakataon ang mga scholars ng EDC-Bacon Manito Geothermal Production Field mula sa mga host communities nito sa Albay at Sorsogon na sumailalim sa mga natatanging pagsasanay.

Ayon sa mga kabataan, sa walong araw na inilagi nila sa base camp, iba’t-ibang mga kasanayan at responsibilidad ang kanilang natutunan, mula sa mga gawaing bahay hanggang sa pagmamahal sa pamilya at sa kalikasan.

Namulat diumano ang mga kabataan sa katotohanan na kailangan ding kumilos ang mga katulad nila upang maisalba sa higit na pagkasira ang mundo at nalaman din nila diumano kung gaano kalaki ang naiaambag nila sa pagkakasira ng kapaligiran.

Ayon naman kay Ferdinand De Vera, ang Public Relations Officer ng EDC, mga incoming fourth year students ang pinipili nilang kalahok sa kanilang taunang E-camp.

"Malaking tulong ang E-camp upang lubusang makilala ng mga kabataan ang mahalagang gamit ng geothermal plant at kung ano ang papel na ginagampanan nito," pahayag pa ni De Vera.

Dagdag din niyang nakatakda ring tulungan ng EDC ang mga kabataan sa mga susunod nilang E-camp ukol sa pagdiskubre ng kanilang mga kakayahan at tamang pagpili ng mga kursong may mataas na employment potential nang sa gayon ay madesisyunan nila ng tama ang kursong kanilang kukunin pagtuntong nila sa kolehiyo. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

MGA AGAM-AGAM UKOL SA PAGTRANSMIT NG ELECTION RETURNS PINAWI NG SMARTMATIC

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 5) – Pinawi ni SMARTMATIC Regions Management Unit Head Sonia Lariosa ang mga agam-agam ng iilan ukol sa posibilidad ng pagkakaroon ng mga aberya na may kinalaman sa mga gagamiting Precinct Count Optical Scan o PCOS machine sa araw ng halalan.

Ayon kay Lariosa, kumpleto na ang mga gagamiting paraphernalia at handa na rin ang kanilang mga tauhan at ang anim na raan siyamnapu’t dalawang makina para sa Lunes. Ang bawat makina ay may kasamang charger at ekstrang baterya na maaaring tumagal ng hanggang labing-anim na oras.

Tiniyak din niyang kung sakaling hindi rin talaga maiiwasang magkaroon ng aberya ay may mga itinalaga na silang stand-by supervisors at technicians upang agad na rumisponde.

Muli niyang ipinaalala na naging matagumpay din ang ginawang simulation testing kung saan tested and proven nila na kayang itransmit ang mga election returns sa mga destinasyon nito nang maayos.

"Limang pamamaraan ang maaring gamitin sa pagpadala ng resulta ng halalan: ito ay ang Broadband Global Area Network o BGAN transmittal system, USB o modem transmittal system, ang Very Small Aperture Terminal o VSAT, landline at network transmittal system," ayon sa kanya.

"Sa lalawigan ng Sorsogon, ang VSAT, USB at BGAN transmittal procedures ang epektibong gamitin," pahayag pa ni Lariosa.

Sinabi din niya na ang makina na rin ang magpapadala o magtatransmit ng election returns sa tatlong pre-configured servers na kinabibilangan ng municipal server, comelec backup server at isa pang server para sa mga media at iba pang concerned parties.

"Hindi konektado sa anumang network ang makina habang patuloy pa ang botohan. Kakabitan lamang ito ng modem para sa transmission kapag nabilang na ng makina ang mga boto at muling tatanggalin ang network connection matapos na maipadala na sa tatlong configured servers ang election result," dagdag pa niya.

Tiwala ang SMARTMATIC at ang Commission on Election (Comelec) na magiging maayos din at matagumpay ang gagawing election dry-run sa darating na Byernes, ika-pito ng Mayo at maging ang halalan sa darating na Lunes. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

BFP SORSOGON CITY ININSPEKSYON ANG MGA PAARALAN

Tagalog News Release

SORSOGON CITY (May 4) - Nagsagawa ng sunud-sunod na inspeksyon sa mga paaralan dito sa lungsod ang Sorsogon City Fire Station bilang paghahanda sa darating na halalan sa Lunes.

Ayon kay City Fire Marshall Chief Inspector Renato B. Marcial, ang inspeksyon ay bahagi ng kanilang “Oplan Halalan” upang tiyaking lahat ng mga silid-aralang gagamitin ay ligtas mula sa anumang panganib.

Aniya, sinimulan nila ang inspeksyon noong huling linggo ng Abril kung saan tatlong malalaking paaralan sa lungsod ang natapos na nilang inspeksyunin.

Sa pahayag pa ni Marcial, sinabi nitong nais din nilang matiyak na mahigpit ding susundin ang nakasaad sa Fire Code of the Philippines upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa araw ng halalan. (BFP/PIA)