Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (May 5) – Naging matagumpay at makabuluhan para sa animnapu’t apat na mga kabataan ang isinagawang Energy Summer Youth Camp sa Base Camp ng Energy Development Corporation noong nakaraang linggo.
Ang aktibidad ay orihinal na konsepto ni EDC Vice Chairman at CEO Mr. Paul Aquino pitong taon na ang nakakaraan kung saan binibigyan nila ng pagkakataon ang mga scholars ng EDC-Bacon Manito Geothermal Production Field mula sa mga host communities nito sa Albay at Sorsogon na sumailalim sa mga natatanging pagsasanay.
Ayon sa mga kabataan, sa walong araw na inilagi nila sa base camp, iba’t-ibang mga kasanayan at responsibilidad ang kanilang natutunan, mula sa mga gawaing bahay hanggang sa pagmamahal sa pamilya at sa kalikasan.
Namulat diumano ang mga kabataan sa katotohanan na kailangan ding kumilos ang mga katulad nila upang maisalba sa higit na pagkasira ang mundo at nalaman din nila diumano kung gaano kalaki ang naiaambag nila sa pagkakasira ng kapaligiran.
Ayon naman kay Ferdinand De Vera, ang Public Relations Officer ng EDC, mga incoming fourth year students ang pinipili nilang kalahok sa kanilang taunang E-camp.
"Malaking tulong ang E-camp upang lubusang makilala ng mga kabataan ang mahalagang gamit ng geothermal plant at kung ano ang papel na ginagampanan nito," pahayag pa ni De Vera.
Dagdag din niyang nakatakda ring tulungan ng EDC ang mga kabataan sa mga susunod nilang E-camp ukol sa pagdiskubre ng kanilang mga kakayahan at tamang pagpili ng mga kursong may mataas na employment potential nang sa gayon ay madesisyunan nila ng tama ang kursong kanilang kukunin pagtuntong nila sa kolehiyo. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment