Thursday, May 6, 2010

MATAAS NA COLLECTION NG BIR SORSOGON MAGANDANG SENYALES

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 4) – Malaki ang itinaas ng koleksyon sa buwis dito sa lalawigan ngayong taon kumpara noong 2009 ayon sa pahayag ni Arturo Abenoja, District Revenue Officer ng Sorsogon.

Sinabi ni Abenoja na lumagpas ito sa inaasahan nilang target kung saan umabot na sa dalawampu’t-pitong milyong piso sa unang kwarter pa lamang ng 2010 ang kanilang naging koleksyon.

Aniya, 40% ang idinagdag sa unang bugso ng kanilang revenue collection mula Enero hanggang Marso.

"Magandang senyales ito upang mapabilang ang BIR Sorsogon District Office sa mga top performers ng highest collection sa buong rehiyon ng Bikol kahit man lang sa taong ito," pahayag ng opisyal.

Dagdag din niya na hindi lamang ang kanilang koleksyon ang positibo ang naging resulta kundi pati na rin ang kanilang filing system at hindi na rin nagsisiksikan ang mga taong pumupunta sa kanila.

"Naging maganda rin ang epekto ng panibagong sistemang ipinatupad namin kung saan binuksan namin ang aming tanggapan sa araw ng Sabado at nakipagkawing din kami sa mga bangko upang makapagbigay ng serbisyo sa mamamayan," ayon pa sa kanya.

Kaugnay nito, hiniling ni Abenoja sa lahat ng mga tax payers na ugaliin ang pagbabayad sa tamang oras at hinikayat din nya ang lahat ang mga mamamayan na ugaliin ang paghingi ng resibo sa tuwing bibili sa alinmang establisimiyento upang higit pang mapataas ang koleksyon sa buwis at mapalakas ang kaban ng bayan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: