Friday, May 7, 2010

MAAYOS AT MAPAYAPANG HALALAN TINIYAK NG PNP AT COMELEC SORSOGON

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (May 6) – Apat na araw lang at halalan na kung kaya’t tiniyak ni Sorsogon Police Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit sa mga tauhan ng Commission on Election, mga Board of Election Inspectors at mga kinauukulan na magiging maganda at maayos ang sistema ng halalan sa darating na Lunes.

Ayon kay Olitoquit nagpalabas na siya ng direktiba sa kanyang mga tauhan na huwag makisawsaw at umiwas sa anumang mga aktibidad politikal at mantinihin ang integridad at kredibilidad ng mga kapulisan.

"Pawang nakauniporme ang lahat ng mga pulis na ilalagay sa mga polling precints katuwang ang Armed Forces of the Philippines," pagtitiyak pa ng opisyal.

Samantala, simula noong Miyerkules ay inilagay na sa full alert status ang buong pwersa ng mga kapulisan ayon na rin sa kautusan ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa bilang bahagi na rin ng pagmamantini ng peace and order situation kaugnay ng halalan sa Lunes.

"Mayroon ding Security Assistance Desk na ilalagay ang PNP limampung metro ang distansya mula sa loob ng lugar na pagbobotohan kung saan maaaring humingi ng tulong ang mga BEI, Comelec officials at maging ang mga mamamayan sakaling magkaroon ng mga untoward incidences.

Samantala, tiwala naman si Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino na hindi magkakaroon ng problema sa mga gagamiting Precinct Count Optical Scan o PCOS machine sa araw ng halalan.

Matatandaang dumating ang anim na raan siyamnapu’t dalawang PCOS machines noong nakaraang linggo at sisimulan na ang pamamahagi sa iba’t-ibang mga bayan bilang paghahanda sa gagawing dry-run sa Biyernes.

Tiwala din si Aquino na magiging maganda ang takbo ng halalan sa Mayo dahilan sa ginawa nilang paghahanda nitong mga nakalipas na buwan.

Tiniyak din niyang well-coordinated na ang lahat at sa kasalukuyan ay nasa monitoring stage na lamang ang Comelec. (Bennie A. Recebido)

No comments: