Friday, July 15, 2011

Walong barangay sa Sorsogon City, agarang pinagsusumite ng CBDRM Plan

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 15 (PIA) – Matapos dumaan sa Community-Based Disaster Risk Management (CBDRM) Trainings ang mga barangay sa lungsod ng Sorsogon partikular yaong mga lantad sa panganib, pinagsusumite na ngayon ni City Disaster Risk Reduction and Management Office Head Joe Jadie ang walong barangay sa kanyang nasasakupan ng kanilang Community-Based Disaster Risk Management Plan (CBDRMP) upang agad na itong mailatag sa kani-kanilang mga komunidad at tuloy makapaghanda bago pa man dumating ang mga di inaasahang kalamidad.

Kabilang sa mga natukoy na barangay na malaki ang kalantaran sa panganib tulad ng bagyo, ‘storm surge’, baha at pagguho ng lupa ay ang Balogo, Sirangan, Bitano, Talisay, Sampaloc, Piot, Cabarbuhan at Gimaloto.

Matatandaang sa ginawang assessment nitong nakaraang Miyerkules sa Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) natukoy kung alin sa mga nabanggit na barangay ang nakapaghanda na at yaong wala pa ring nabubuong plano laban sa mga kalamidad.

Sa ilalim ng bagong batas na Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 (R.A. 10121), mas binibigyang halaga ang “preparedness” at “mitigation” bago pa man maganap ang mga sakuna, kung saan pinapalakas nito ang kapasidad ng mga komunidad sa mga barangay na paghandaan at bawasan ang epekto sa kanila ng mga di maiiwasang kalamidad.

Sa Hulyo 29, 2011 nakatakdang isumite ng walong barangay kay Jadie ang kani-kanilang CBDRMP at pormal na ipiprisinta ito sa barangay assembly. (VLabalan/PIA Sorsogon)

Mga babalang pangkaligtasan ilalagay sa paligid ng Mt. Bulusan


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 15 (PIA) – Upang maiiwas ang publiko sa mga panganib dala ng pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan, maglalagay ngayong araw ng mga babalang pangkaligtasan ang Office of the Civil Defense (OCD) Bicol sa tulong ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa palibot ng Mt. Bulusan partikular sa mga lugar ng Casiguran at Irosin.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) OIC Head Jose Lopez, ang hakbang ay bahagi ng ipinatutupad na paraan ng mga awtoridad pangkalamidad upang patuloy na makaiwas sa panganib ang lahat sa tuwing nag-aalburuto ang Bulkang Bulusan.

Mamamahagi din ng mga dust masks lalo na sa mga residenteng palagian nang naapektuhan ng aktibong bulkan.

Ang mga aktibidad ay bilang pakikiisa na rin sa pagdiriwang ng National Disaster Consciousness Month ngayong buwan ng Hulyo. (PIA Sorsogon)

Solar powered lights gamit na ngayon ng Sorsogon City


Solar Powered Street Light now sa Sorsogon City.
Sorsogon City, July 14 (PIA) – Sinimulan nang gamitin ngayon ang mga solar powered lights sa parkeng malapit sa Sorsogon City Hall at kahabaan ng Maharlika Highway sa Diversion Road.

Ito ang inihayag ni Sorsoogn City Mayor Leovic Dioneda matapos na tuluyan nang malagyan at simulang gamitin nitong mga nakaraang araw ang mga ilaw na nakadepende sa sikat o liwanag ng araw.

Ayon sa alkalde, dalawampung solar powered lights ang nabili ng city government subalit sampu lamang nito ang inilagay nila sa parke habang ang sampu naman ay napagpasyahan nilang ilagay sa Diversion Road, Maharlika Highway.

Nilinaw ng alkalde na sa ngayon ay experimental pa lamang ito at kung sakaling mapapatunayan talaga nilang malaki ang matitipid sa paggamit nito ay tuluyan na nilang gagamitin ito at unti-unting papalitan ang ilaw sa mga kalsada at pampublikong lugar sa Sorsogon City.

Sinabi pa ng alkalde na ang paggamit nila ng naturang mga ilaw ay bahagi din ng kanilang Climate Change Mitigation at Adaptation program at nais nilang hikayatin din ang publiko, sakaling epektibo ito, na lumipat na rin sa mga solar powered lamps upang makatulong sa pagbabawas ng epekto ng climate change. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

Feeding Program, Gulayan sa paaralan at Mother’s Class tampok sa pagdiriwang ng Nutrition Month 2011


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 14 (PIA) – Sa pagdiriwang ngayong taon ng Nutrition Month dito sa lungsod, nagsasagawa ng iba’t-ibang mga aktibidad ang mga paaralan dito sa pangunguna na rin ng Parents Teachers and Community Association (PTCA).

Kabilang sa mga aktibidad na ito ay ang feeding program kung saan sa pamamagitan ng public-private partnership ay nakakalap ang mga paaralan ng pondo para sa nasabing programa. Pinaigting din ang pagganyak sa mga mag-aaral at magulang na suportahan ang ‘Gulayan sa Paaralan’ na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Agriculture (DA). Ang mga aning gulay ang siyang ginagamit nila sa mga feeding program na isinasagawa nila sa mga paaralan.

Maliban dito ay hinikayat din ang mga magulang na magtanim din ng mga gulay sa kanilang bakuran na mapagkukunan nila ng ilalagay sa kanilang hapag.

Ayon kay City Schools Division Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP) Supervisor Nestor Detera, higit ding pinaigting ang pagpapakalat ng mga pangkalusugan at pangnutrisyong impormasyon sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa mga magulang at pagsasanib ng kahalintulad na impormasyon at paksa sa mga asignaturang Filipino, Ingles at Agham.

Bilang tugon naman sa tema ngayong taon, ang “Isulong ang Breastfeeding – Tama, Sapat at Ekslusibo”, sinabi ni City Health and Nutrition Coordinator Pierre Dellosa na nagsasagawa sila ng Mother’s Class upang ipaliwanag sa mga ito ang kahalagahan ng pagpapasuso ng gatas ng ina sa mga sanggol at ang pagkakaiba nito kumpara sa mga nabibiling gatas sa mga pamilihan.

Ayon pa kay Dellosa, dapat lamang na maging mulat ang isipan ng mga magulang at mag-aaral sa kahalagahan ng nutrisyon upang hindi magkaroon ng kalamidad sa kalusugan.

Samantala, sinabi din ni Dellosa na kung mapopondohan, maganda ring maibalik ang sistema at uri ng feeding program noong mga nakaraang dakada kung saan bawat mag-aaral ay may nakalaang nutri-bun, bulgor, mais, monggo, gatas at iba pang mga masusutansyang pagkaing ipinapakain sa mga bata at maging sa pamilya nito. (PIA Sorsogon)

Mga bumbero nagsagawa ng Blood Letting Activity


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 14 (PIA) – Isang blood letting activity ang isinasagawa ngayon ng mga tauhan ng Sorsogon City Bureau of Fire Protection sa pangunguna ni City Fire Marshal Chief Inspector Renato Marcial.

Ang blood letting sa istasyon ng City BFP ay naglalayong palawakin pa ang kanilang serbisyo sa publiko kung kaya’t hinikayat niya diumano ang kanyang mga tauhan na maging halimbawa sa pakikilahok sa ganitong mga uri ng kawanggawa bilang bahagi na rin ng kanilang mandatong pagtulong sa mga nangangailangan.

Suportado naman ng Sorsogon City Health Offfice, mga paaralan at mga pribadong grupo ang nasabing aktibidad na ayon pa kay Marcial ay bahagi din ng kanilang pakikisa sa pagdiriwang ng Blood Donor’s Month ngayong buwan ng Hulyo. (PIA Sorsogon)

Malinis na tubig sa SNHS pakikinabangan na


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 13 (PIA) – Matapos maaprubahan ng local school board ng Sorsogon National High School (SNHS) ang kalahating milyong pisong pondo para sa konstruksyon ng water system sa kanilang paaralan, positibo na ngayon ang mga tauhan at mag-aaral ng SNHS na makakabenipisyo na sila ng malinis na inuming tubig at panggamit sa mga palikuran.

Ang water system ay proyekto ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon at mapapakinabangan din ng SNHS batay na rin sa kahilingan ng City Schools Division Office ng Department of Education.

Ayon kay Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, nakalaan na ang pondo at inatasan na rin niya ang City Engineer’s Office na agaran nang simulan ang konstruksyon ng proyekto.

Sinabi ni Dioneda na naging prayoridad nila ang SNHS dahilan sa malaking bilang ng populasyon nito at upang maiwasan din ang pagkalat ng anumang sakit dala ng maruming tubig.

Sa kasalukuyan, mahigit na anim na libong mga mag-aaral ang naka-enrol sa Sorsogon National High School. (BT.com/PIA Sorsogon)