Tuesday, June 26, 2012

Blood letting activity isinagawa


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 26 (PIA) – Matagumpay na naisagawa ang blood letting activity noong Biyernes sa Brgy. Buhatan, Sorsogon City.

Ang nasabing blood letting activity o pagbibigay ng dugo ay nilahukan ng mga tauhan ng Police Community Relations ng Sorsogon Police Provincial Office at ng Sorsogon City Police Station kung saan naniniwala ang mga kapulisang ito na ang bawat patak ng dugo mula sa isang indibidwal ay mahalaga upang makapagdugtong pa ng buhay ng kanilang kapwa tao.

Apatnapu (40) ang nagbahagi ng kanilang dugo kung saan maliban sa mga kapulisan ay nakiisa din sa pagbibigay ng dugo ang mga barangay tanod, barangay official at iba pang non-government organization mula sa mga barangay ng Buhatan, Abuyog at Marinas, lungsod ng Sorsogon.

Umabot sa kabuuang 4,900 cc na dugo ang nalikom mula sa nasabing mga donor.

Naisakatuparan ang aktibidad sa pagtutulungan ng Sorsogon City Health Office sa pamumuno ni Dr Larry Garrido at ng Brgy Council ng Brgy Buhatan, Lungsod ng Sorsogon sa pangunguna naman ni Brgy Councilor Edwin Divina. (BARecebido, PIA Sorsoogn/EDPaje, SPPO)

Photo: PO2 Mike Espena, SPPO



LGU-Donsol, magpapasa ng ordinansa sa pagpapatayo ng fire hydrants sa bisinidad ng bayan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 26 (PIA) – Isa sa mga suliraning kinakaharap ng Lokal na Pamahalaan ng Donsol sa kasalukuyan ay ang kakulangan ng mga rekurso pati na rin ng mga makabagong kagamitan para sa pagtugon sa panahon ng mga kalamidad.

Isa na rito ang malayong lokasyon ng mga fire hydrant na halos ay isa hanggang dalawang kilometro ang layo mula sa tanggapan ng Bureau of Fire Protection sa Donsol na siyang nagiging balakid upang agarang maibigay nito ang maayos na serbisyo.

Ang fire hydrant ang tumatayong water source ng mga bumbero sa panahong nagkakaroon sila ng panganagilangan sa tubig lal na kung mayroong sunog.

Kaugnay nito, sinamantala ni Donsol Municipal Councilor Ingrid Buenaobra ang pagkakataon na ilatag sa konseho ng Sangguniang Bayan ng Donsol ang hinaing ng mga bumbero ukol sa paglalagay ng fire hydrant malapit sa bisinidad ng Donsol kung saan naroroon at malapit ang kanilang tanggapan.

Ang malayong kinalalagyan ng mga fire hydrants umano ang dahilan ng mabagal na pagresponde nila sa sunog katulad na lamang ng nangyaring sunog sa Brgy Punta Waling-waling.

Suhestiyon ni Konsehal Buenaobra na inayunan naman ni DonsolMmayor Jerome Alcantara na magkaroon ng lehislasyon upang mapag-ukulan ng sapat na pondo ang pagpapagawa ng mga Fire Hydrants sa mismong kabisera o sentro ng munisipalidad ng Donsol.

Pinuri naman ni SFO4 Emmanuel Rabulan, hepe ng BFP Donsol ang naturang hakbang at tiniyak nitong nakahanda silang magsilbi sa lahat nang oras sapagkat ito ang kanilang sinumpaang tungkulin sa Bayan sa kabila nang anumang balakid at mga hamong kahaharapin sa panahon ng sunog at iba pang mga kalamidad na dumating kung saan kailangan ang kanilang tulong. (BArecebido/FBTumalad, PIA Sorsogon)






Monday, June 25, 2012

PCCE nagsagawa ng pulong sa Donsol


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 25 (PIA) – Upang higit na maintindihan ang mga suliranin at isyung kinakaharap, at mga balakid sa pagpapatupad ng mga aktibidad para sa mga kasapi ng Municipal Community of the Elders ng Donsol, nagpatawag ng pagpupulong si Provincial Council of Community Elders (PCCE) Chairman Fernando O. Duran Jr. noong nakaraang linggo sa People’s Hall sa bayan ng Donsol, Sorsogon.

Tampok sa pagpupulong ang temang “A Responsive Community Towards the Attainment of a Safe/Peaceful Place to Live, Work, Invest and Do Business”. Pangunahing layunin ng nasabing pulong na matulungan ang komunidad na gawing ligtas, maayos at mapayapa nang sa gayon ay mas marami pang mga imbestor ang mahikayat na magtayo ng negosyo sa lugar.

Nagbigay ng mensahe si Sorsogon Governor Raul R. Lee kung saan itinuon nito ang kanyang mensahe sa kahalagahan ng isang mapayamang komunidad at kung papaanong mapapalago pa ang industriya ng turismo sa Donsol.

Naroroon din sa aktibidad si PSI Diosdado O. Melitante, OIC ng Donsol Municipal Police Station (MPS) na nagbigay ng pambungad na pananalita at si Donsol Vice Mayor Emeterio Belmonte Jr. na siyang kumatawan kay Mayor Jerome Alcantara.

Naging aktibo naman sa isinagawang workshop ang 51 na mga kalahok na kinabibilangan ng mga kapitan ng barangay sa bayan ng Donsol at ng mga kasapi ng Provincial at Municipal Council of Community Elders.

Sa workshop hinayaang mailabas ng mga kalahok ang mga suliranin, isyu at iba pang mga usaping nagiging hadlang o nakakatulong sa pagpapatupad ng mga aktibidad ng Council of Community Elders.

Iprinisinta ng bawat grupo ang resulta ng ginawang workshop kung saan isinailalim ito sa mga reaksyon at puna ng mga panelista na binuo nina Gov. Lee, Vice Mayor Belmonte, Sorsogon Police Provincial Director PSSupt John CA Jambora, Ms Imelda Gabionza, Municipal Local Government Operation Officer at Ginoong Antonio Arellano, chairman ng Donsol Municipal Council of Community Elders. (BARecebido, PIA Sorsogon/EDPaje, SPPO)


Mga nabiyayaan sa Phil. Independence Day 2012 Jobs Fair umabot sa 114


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 25 (PIA) – Sa nakaraang pagdiriwang ng ika-114 taon ng Independence Day ng Pilipinas, 453 na mga Sorsoganong naghahanap ng trabaho ang nairehistro ng Public Employment Services Office (PESO) at Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) ng Sorsogon.

Ayon kay Provincial Government Department Head ng PHRMO Lorna Hayag, sabay sa bilang ng pagdiriwang ng ika-114 taong anibersaryo ng kasarinlan ng bansang Pilipinas ay ang pagbibigay oportunidad din sa 114 na mga Sorsoganon na matanggap at makakuha ng maayos na trabaho kung saan 109 sa kanila ay natanggap para sa local employment habang lima naman dito ay natanggap upang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Aniya sa 453 na naghanap ng trabaho, 372 ang nais magtrabaho sa loob ng bansa habang 81 sa kanila ay nais makakuha ng trabaho sa labas ng Pilipinas. May mga ilan din umanong maari pang matanggap sakaling maipasa ng mga ito ang kulang pa nilang mga rekisitos.

Dagdag pa ni Hayag, 11 mga ahensya ang nakilahok sa jobs fair para sa local employment habang apat naman para sa overseas employment.

Ang Jobs Fair ay isinagawa ng PESO at PHRMO upang matulungan ang mga Sorsoganong naghahanap ng trabaho na makakuha ng de-kalidad na trabaho, maiangat ang labor force at mabawasan ang kahirapag nararanasan ng bawat pamilya sa lalawigan.

Nanawagan din Hayag sa mga hindi pinalad na matanggap sa ginawang jobs fair na huwag mawalan ng pag-asa bagkus ay gamitin ang mga karagdagang tip na nakuha nila mula sa ginawang pag-aplay at gawin itong inspirasyon para sumubok uli sa susunod na pagkakataon. (BArecebido, PIA Sorsogon/MHatoc)




SPES, SNHS kampeon sa ginawang Provincial Eagle Quiz


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 25 (PIA) – Muling pinatunayan ng dalawang pinakamalaking paaran sa elementary at sekundarya sa lungsod ng Sorsogon ang kanilang galing at kakayahan sa larangan ng patimpalak matapos na makuha nito ang kampeonato sa nakaraang Provincial Eagle Quiz na ginanap sa Intervida Hall, Sorsogon City, noong Huwebes, June 21, 2012.

Sa kategorya sa elementarya, nakuha ni Bill Gian V. Dealca ng Sorsogon Pilot Elementary School (SPES) ang kampeonato kung saan naging coach nito si Bb. Rhea Olayres. Pumangalawa si Beatrice Christina D. Jesalva ng The Lewis College (TLC) kung saan coach si Ginoong Robert Tarraya habang pumangtlo si Arriane Angeli D. Antes ng Bacon East Central School (BECS) at ang naging coach nito ay si Bb. Thelma Ariate.

Sa kategorya sa Sekundarya, naging kampeon si Joan H. Reluao ng Sorsogon National High School (SNHS) at naging coach nito si Lee Luzviminda T. Bolanos. Pumangalawa si John Peter Michael Separa ng Barcelona National Comprehensive High School kung saan naging coach nito si Rowena C. De Leon habang pumangatlo si Gerald G. Dino ng San Juan National High School sa Bacon District at tumayong coach nito si Ophelia O. Freo.

Ayon kay Forester Annabelle Barquilla ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sorsogon, 23 ang naging kalahok sa kategorya sa elementarya habang 24 naman sa sekundarya na nagmula pa sa iba’t-ibang mga paaralan sa lalawigan.

Ang Provincial Eagle Quiz na pinangunahan DENR Sorsogon ay taunang ginagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ng Environment Month tuwing buwan ng Hunyo.

Ang mga nanalong kampeon ang siyang kakatawan sa lalawigan ng Sorsogon at makikipagpaligsahan sa gagawing Regional Battle of the Eagles sa darating na ika-29 ng Hunyo, 2012 sa Lungsod ng Legazpi.

Ang nasabing dalawang patimpalak ay nasa ika-22 taon na ngayon at orihinal na konsepto ng DENR Regional Office V. (BARecebido, PIA Sorsogon)



Sunday, June 24, 2012

Local Policemen Plant Trees in support to NGP

Local Policemen Plant Trees in support to NGP.Personnel of Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) together with personnel of Sorsogon Provincial Public Safety Company (SPPSC) and Sorsogon City Police Station (SCPS) planted more or less 500 saplings of mahogany tree in Barangay Buhatan, Sorsogon City on June 21, 2012 in line with the PNP’s tree planting program dubbed as “Pulis Makakalikasan: 10 Milyong Puno, Pamana sa Kinabukasan”. Said tree planting activity is religiously done as a contribution of the local police here to the National Greening Program spearheaded by PNP Chief Police Dir. Gen. Nicanor A. Bartolome, targeting 10 million trees to be planted by PNP personnel nationwide, starting February 2012 to February 2013. Every member of the PNP is expected to plant six (6) trees every month until February next year. (BARecebido, PIA Sorsogon/EPAje, MEspena, SPPO)