Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 25 (PIA) – Upang
higit na maintindihan ang mga suliranin at isyung kinakaharap, at mga balakid
sa pagpapatupad ng mga aktibidad para sa mga kasapi ng Municipal Community of
the Elders ng Donsol, nagpatawag ng pagpupulong si Provincial Council of
Community Elders (PCCE) Chairman Fernando O. Duran Jr. noong nakaraang linggo
sa People’s Hall sa bayan ng Donsol, Sorsogon.
Tampok sa pagpupulong ang temang “A Responsive Community Towards the
Attainment of a Safe/Peaceful Place to Live, Work, Invest and Do Business”.
Pangunahing layunin ng nasabing pulong na matulungan ang komunidad na gawing
ligtas, maayos at mapayapa nang sa gayon ay mas marami pang mga imbestor ang
mahikayat na magtayo ng negosyo sa lugar.
Nagbigay ng mensahe si Sorsogon Governor
Raul R. Lee kung saan itinuon nito ang kanyang mensahe sa kahalagahan ng isang
mapayamang komunidad at kung papaanong mapapalago pa ang industriya ng turismo
sa Donsol.
Naroroon din sa aktibidad si PSI Diosdado
O. Melitante, OIC ng Donsol Municipal Police Station (MPS) na nagbigay ng
pambungad na pananalita at si Donsol Vice Mayor Emeterio Belmonte Jr. na siyang
kumatawan kay Mayor Jerome Alcantara.
Naging aktibo naman sa isinagawang workshop
ang 51 na mga kalahok na kinabibilangan ng mga kapitan ng barangay sa bayan ng
Donsol at ng mga kasapi ng Provincial at Municipal Council of Community Elders.
Sa workshop hinayaang mailabas ng mga
kalahok ang mga suliranin, isyu at iba pang mga usaping nagiging hadlang o
nakakatulong sa pagpapatupad ng mga aktibidad ng Council of Community Elders.
Iprinisinta ng bawat grupo ang resulta ng
ginawang workshop kung saan isinailalim ito sa mga reaksyon at puna ng mga
panelista na binuo nina Gov. Lee, Vice Mayor Belmonte, Sorsogon Police
Provincial Director PSSupt John CA Jambora, Ms Imelda Gabionza, Municipal Local
Government Operation Officer at Ginoong Antonio Arellano, chairman ng Donsol
Municipal Council of Community Elders. (BARecebido, PIA Sorsogon/EDPaje, SPPO)
No comments:
Post a Comment