Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 27 (PIA) – Sa
patuloy na pagpupunyagi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Sorsogon City
Station na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mapigilan ang mga
panganib dala ng sunog, patuloy ang ginagawang paglilibot at pag-iinspeksyon ng
mga tauhan nito sa iba’t-ibang mga paaralan sa lungsod.
Ayon kay Sorsogon City Fire Marshal Walter
Marcial, nito lamang nakaraang Hunyo 19-20, 2012, apat na mga paaralan sa elementarya
sa Bacon District ang kanilang ininspeksyon kabilang na ang Bato Elementary
School, Bon-ot Elementary School, Balogo Elementary School at Sawanga
Elementary School.
Habang nito naman umanong nakaraang Hunyo
21-22, 2012, ay dalawa pang mga paaralan sa East District ang kanilang
inispeksyon na kinabilangan ng Balogo Elementray School at Bibincahan
Elementary School.
Ayon sa opisyal, ilan sa mga nadiskubre
nilang kakulangan sa nasabing mga paaralan ay ang mga sumusunod: may mga
nakaambang panganib dahilan sa kawalan ng mga maayos na sistema at electrical
facilities, kawalan ng fire alarm bell at walang nakaantabay na mga aparato o
kagamitang maaring makaapula ng apoy sakaling magkaroon ng sunog.
Kaugnay nito, inirekomenda ng inspection
team ng BFP Sorsogon City sa principal ng mga paaralang ito na ayusin ang
kanilang mga electrical facilities, maglagay ng kahit isa man lang nay unit ng
portable fire extinguisher sa bawat silid-aralan at maglagay o ayusin ang mga
sirang fire alarm bell.
Buo ang tiwala ni Marcial na hindi
ipagwawalang-bahala at susundin ng mga prinsipal ang kanilang rekomendasyon
nang sa gayon ay maiwasan ang mas malalaki pang pinsala sa hinaharap.
(BArecebido, PIA Sorsogon/WBMarcial, BFP)
No comments:
Post a Comment