Tuesday, June 26, 2012

NGCP Bicol, magsasagawa ng Media Orientation sa mga mamahayag ng Albay at Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 27 (PIA) – Aabot sa mahigit animnapung mga lokal na mamamahayag mula sa lalawigan ng Sorsogon at Albay ang kalahok ngayon sa isinasagawang Power 101 Media Orientation ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Southern Luzon Region.

Ayon kay NGCP Southern Luzon Regional Corporate Communications Officer Nelson Bautista, layunin ng aktibidad na bigyang kaalaman ang mga kasapi ng lokal na media ukol sa mahalagang papel na ginagampanan ng NGCP sa sektor ng enerhiya, talakayin ang mga pangunahing terminolohiyang ginagamit ng NGCP sa pagpapaabot nila ng mga impormasyon at mabigyang-linaw ang ilang mga usapin at isyung may kaugnayan sa transmission operations.

Aniya, kinikilala nila ang malaking bahaging ginagampanan ng media sa pagpapalaganap ng impormasyon sa komunidad kung kaya’t binuo nila ang aktibidad na ito.

Bago ang media orientation ay magkakaroon ng media familiarization tour sa pasilidad ng NGCP sa Penafrancia, Daraga sub-station upang makita at higit na maintindihan ng mga ito ang mga kagamitang ginagamit sa operasyon ng NGCP.

Si Ginoong Guillermo Redoblado, ang dating vice-president for Luzon ng TransCo at sa kasalukuyan ay technical consultatnt ng NGCP ang siyang magpiprisinta ng mga paksang tatalakayin habang si Atty. Cynthia P. Alabanza, ang Adviser for external Affairs at official spokesperson ng NGCP ang siyang magiging tagapagsalita sa gagawing press conference matapos ang media orientation.

Bago pa man ang aktibidad ay hinikayat na ni Bautista ang mga media na ipaabot ang mga katanungan at ilang mga isyung nais nilang mabigyang-linaw nang sa gayon ay magkaroon ng iisang konsepto at magkakahalintulad na impormasyon ang NGCP at media sa kanilang pagtalakay sa kani-kanilang mga programa.

Umaasa din si Bautista na sa pamamagitan ng kooperasyon at suporta ng media ay maipaaabot din sa kanila ang mga magagandang suhestyon o rekomendasyon na makakatulong upang matugunan ang ilang mga isyung nakaapekto sa maayos na operasyon ng NGCP. (BARecebido)





No comments: