Thursday, June 17, 2010

MAHIGIT ANIM NA LIBONG PAMILYANG SORSOGANON, NANGINGINABANG NGAYON SA 4Ps NG PAMAHALAAN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 17) – Anim na libo walong daan limampu’t walong sako ng bigas ang sa kasalukuyan ay ipinamamahagi ng Philippine National Red Cross Sorsogon Chapter sa mga aydentipikadong pamilya sa apat na mga bayan dito sa lalawigan ng Sorsogon sa ilalim ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan.

Ang 4Ps ay binuo ng pamahalaan upang tulungan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa bansa upang maisaayos ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng kanilang mga anak.

Ayon kay PNRC Sorsogon Chapter Manager Salvacion Abotanatin, sinimulan nila ang pamamahagi ng bigas sa bayan ng Pilar noong a-trenta y uno ng Mayo na natapos noong June 7, kung saan 1,392 na pamilya ang nabiyayaan doon.

"Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang aming pamamahagi kung saan sa bayan ng Castilla ay aabot sa 1,045 na pamilya ang mabibiyayaan, habang sa Matnog ay 872 at sa Donsol ay 3,549 na pamilya ang makatatanggap ng tig-iisang sako ng bigas. Inaasahang matatapos ang aming distribusyon sa Hunyo a-trenta," pahayag pa niya.

Samantala, nilinaw ni Abotanatin na ang Red Cross ang naatasang mamahagi sa halip na ang mga Municipal Social Welfare and Development Office dahilan sa sakop pa ang mga ito ng election ban hanggang sa June 30, at hindi na rin dapat na pagtagalin pa ang distribusyon sapagkat naideliver na rin dito ang mga bigas na dapat matanggap ng mga aydentipikadong pamilya.

Matatandaang nakasaad sa Comelec en Banc Resolution 8732, na mula ika-dalawampu’t anim ng Marso hanggang huling araw ng Hunyo walang opisyal o empleyado ng pamahalaan pati na mga opisyal sa barangay na mamamahagi, maglalabas o gagasta ng pondo ng pamahalaan sa anumang uri ng pampublikong gawain.

"Subali't, ang distribusyon ng mga bigas ay matagal nang naaprubaha, dangan nga lamang at naabutan lamang ito ng election ban," paglilinaw pa ni Abotanatin. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: