Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (June 17)– Mahigpit ang iniwang atas ni Sorsogon Governor Sally Lee sa mga kasapi ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) dito ukol sa buo at aktibong partisipasyon ng mga departamento ng provincial government, paaralan, ospital at iba pang mga ahensya ng pamahalaan sa gagawing 2nd quarter simultaneous earthquake drill bukas, June 18.
Bago umalis ang gobernador patungong Quezon City upang dumalo sa limang araw na seminar na isinasagawa ngayon ng DOST-Phivolcs, inatasan nito ang PDCC partikular ang Bureau of Fire Protection (BFP) a pangunahan ang nasabing earthquake drill.
Sa pulong na ipinatawag ng PDCC, ganap na alas nueve ng umaga bukas ito isasagawa at binigyan na rin ng mga kaukulang instruksyon ang mga pinuno ng iba’t-ibang mga ahensya dito ukol sa mga hakbang na dapat gawin ng mga ito partikular na isasama na rin dito ang kahandaan sa panahong magkasunog.
Matatandaang sa ipinalabas na direktiba ni outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo noong June 26, 2006, nakasaad dito na dapat gawin ang earthquake drills quarterly kung saan lalahukan ito ng mga pampubliko at pribadong tanggapan at mga establisemyento kasama na ang mga paaralan, hanggang sa tuluyan nang mapukaw ang kamalayan at maisabuhay na ng publiko ang mga dapat gawin sa panahon at matapos ang aktwal na paglindol nang sa gayon ay maiwasan ang may masaktan o di kaya’y ang pagbubuwis ng buhay. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment