Wednesday, September 15, 2010

ANO ANG SAKIT NA DENGUE?

ANG DENGUE Hemorrhagic Fever (DHF, H-fever) ayon sa Department of Health ay isang "acute infectious viral disease" na kadalasang nakakaapekto o nakukuha ng mga bata,pero hindi rin pinapaligtas ang mga may edad na.

Kadalasan ay sumusulpot ang dengue sa mga tropics, mga lugar na tag-init at tag-ulan ang climate, tulad ng mga bansa sa Asya. Damay ang Pilipinas, lalo na sa mga lugar na maraming populasyon.

Tulad ng kanyang pangalan, pangunahing sintomas nito ang lagnat.

Kung mayroon nang dugo sa dumi o suka ng pasyente, tinatawag itong Dengue Shock Syndrome at kadalasan ay nakamamatay.

Ang aedes aegypti ang lamok na salot na nagdadala ng dengue. Ang mga lamok na ganito ay itinuturing na "day biters" dahil sa araw sila nanginginain.

Mayroong dalawang peak ng kanilang biting activities: isa sa umaga (sunrise) at isa pa sa dapit-hapon (dusk) bago lumubog ang araw.

Naita-transmit ito sa pamamagitan ng female aedes (mga babae nito) na nangingitlog sa non-polluted o malinis na tubig, na kadalasang naiipon sa loob ng bahay o sa labas, natural o artipisyal na water containers.

Nangingitlog sila sa mga flower vases, lata, alulod o daluyan ng tubig, mga gulong, at iba pang maaaring mapag-ipunan ng tubig. Ang mga adult mosquitoes ay umiistambay sa mga madilim na sulok ng kabahayan.

Ang mga kiti-kiti (larvae) ng aedes aegypti ay nagiging adult mosquitoes makalipas ang isang linggo.

Sa kakulitan ng mga lamok na ito, hindi sila basta-basta namamatay sa pamamagitan ng fogging o pag-spray ng insecticides.


SINTOMAS


Narito ang mga sintomas na dapat bantayan lalo ngayong tag-ulan, maraming tubig na naiipon:

1.Biglaan at mataas na lagnat na maaaring tumagal ng mula dalawa hanggang pitong araw;

2.pananakit ng mga kasu-kasuan at kalamnan, gayundin sa likurang bahagi ng mata;

3.panghihina;

4.skin rashes, red tiny spots sa balat;

5.pagdurugo ng ilong kapag bumababa ang lagnat;

6.pamamaga ng atay;

7.pagsusuka ng kulay-kape;

8.maitim na kulay ng dumi;

9.panghihina ng katawan at kawalan ng ganang kumain.


MGA DAPAT GAWIN

•Ang pasyenteng may mataas na lagnat ay pinupunasan ng bimpo at binibigyan ng paracetamol.

•Huwag bibigyan ng aspirin ang isang taong pinaghihinalaang may Dengue H-fever, dahil maaari raw itong maging dahilan ng pagdurugo o iritasyon ng sikmura/bituka.

•Umpisahan ang oral rehydration, uminom ng maraming tubig, sa simula pa lamang ng lagnat.

•At dahil lamok ang nagdadala ng dengue, kailangan na mawala sila. Panatilihing malinis ang mga alulod, lalo ngayong tag-ulan, upang hindi maipunan ng tubig.

•Huwag mag-imbak ng anumang bagay na maaaring pag-ipunan ng tubig at pamugaran ng mga lamok sa loob at labas ng bahay tulad ng mga lata, bote at gulong ng sasakyan. Panatiliing tuyo ang kapaligiran.

•Hugasan at kuskusing mabuti ang mga plorera at iba pang pinaglalagyan ng tubig isang beses sa isang linggo. Takpan ang mga water containers upang maiwasan ang pagpasok at pangingitlog dito ng lamok.

•Ipunin at itapon ang mga hindi na ginagamit na lata, bote, jars, at iba pang maaaring maipunan ng tubig.

•Ang mga lumang gulong na ginagamit na suporta sa bubungan ay dapat na binubutasan o hinahati upang hindi maipunan ng tubig. Ang mga lumang gulong, kung hindi maitatapon, ay pagpatung-patungin at takpan ang tuktok, o ilagay sa lugar na hindi nauulanan.

•Gumamit ng kulambo kapag matutulog sa araw, o di kaya ay lagyan ng screen ang mga bintana o pinto ng bahay.

•Iwasang makagat ng lamok ang taong may sakit ng Dengue H-Fever upang hindi maikalat ang virus sa lamok na kakagat uli ng mga taong walang sakit.

•Higit sa lahat, ipagbigay-alam sa pinakamalapit na health center kung may pinaghihinalaang kaso ng Dengue H-Fever sa komunidad.


Additional Tip:

Sorsogon Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia said that to avoid dehydration, one must mix 8 tablespoons of sugar and 2 tablespoons of salt to 1 liter water.


MAGTULUNGAN

Lahat ng tao sa komunidad ay maaaring tumulong para maiwasan ang dengue. Ilista lahat ng posibleng makakatulong sa dengue prevention and control program, tulad ng mga government institutions, non-government organizations, civic/religious organizations, private at public schools, local government officials, kahit media na magbibigay ng impormasyon tungkol sa dengue.

Ang mga local government officials ay nagtatalaga ng municipal/city team leader, at kahit sa mga barangay ay mayroong mga dengue brigade, may mga local health offices na malalapitan. Kahit mga guro ay nagbibigay ng kaalaman tungkol sa dengue.

Kailangan lang ay mag-organisa, magtayo ng mga Kiti-Kiti Brigade sa barangay, panatiliin ang dengue program.

Nariyan din ang "4 O’clock habit" na iginigiit ng DOH sa lahat ng barangay, hinihimok ang mga residente na maglinis ng kapaligiran, itapon ang mga naiipong tubig, tuwing alas-kuwatro ng hapon.

No comments: