Wednesday, September 15, 2010

PAPREMYO SA RESIBO NG BIR NAGPAPATULOY

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Sept 15) – Sa kabila ng ipinapakitang magandang suporta ng mga negosyante dito sa kampanya sa buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR), patuloy pa ring hinihikayat ng BIR Sorsogon ang mga mamamayan na humingi ng resibo sa mga binabayaran nilang kunsumo at kaukulang serbisyo.

Ayon kay Sorsogon Revenue District Officer Arturo Abenoja, Jr., sa paghingi ng resibo, makakatulong ang isang indibidwal sa pamahalaan at maaaari pang manalo ng milyon kung isasali ito sa kanilang ’Premyo sa Resibo’ Promo.

Sinabi din ni Abenoja na may ilang mga Sorsoganon na ring sa katunayan ay naiangat ang buhay dahilan sa pagkapanalo sa papremyong ito.

Ang Premyo sa Resibo ay isang programa ng BIR kasama ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR at Philweb upang ganyakin ang mga kunsumidor na humingi ng opisyal na resibo upang mapalakas pa ang koleksyon sa buwis ng pamahalaan.

Sinuman ay maaring sumali, dapat lamang na mayroon siyang hawak na alinman sa mga sumusunod: official receipt (OR), sales invoice (SI) o cash invoice (CI) o di kaya’y cash register machine o point of sales receipt na nagkakahalaga ng hindi bababa sa isangdaang piso.

Sa mga cellphones ay ita-type lamang ang capital letters na PSR lagyan ng space, i-type ang TIN number ng tindahang binilhan na makikita sa itaas na bahagi ng resibo, sundan ito ng asterisk bago i-type ang OR number na makikita din sa resibo, sundan uli ng asterisk bago i-type ang halaga ng binayaran (Halimbawa: PSR 005215077076*00084293*130), ipadala ito sa 9777 at hintayin na lamang ang confirmation message.

Ang bawat text ay nagkakahalaga ng dalawang piso at singkwenta sentimos lamang.

Para sa detalye ay maaari ding mag log-on sa www.premyosaresibo.com.ph o kaya’y sa www.bir.gov.ph. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: