Monday, February 28, 2011

Tagalog News Release


 Expanded scholarship isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan
Ni: Bennie A. Recebido
       
Sorsogon City, February 25, (PIA) –Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ni Provincial Board Member Eric Dioneda ng unang distrito ng Sorsogon ang pagpapalawak pa ng scholarship para sa mga mahihirap subalit matatalinong mga mag-aaral dito sa laalwigan.

Sa naging pahayag ni Dioneda, sinabi nitong matutulungan ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon ang  mga mahihirap subalit karapat-dapat na mga high school graduates  na maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng isinusulong niyang expanded scholarship program.

Aniya sa kasalukuyan, tig-iisang iskolar lang ang tinutustusan ng Sorsogon Scholarship Ordinance sa bawat munisipyo, subalit sa kanyang proposal, palalawakin pa ito sa pamamagitan ng pagkuha ng tig-lilimang scholar sa bawat munisipyo at Sorsogon City bawat taon.

Maliban dito isinusulong din niya na itaas ang suporta sa indibidwal na mga iskolar kung saan mula sa dating P700 na book allowance ay magiging P1,500 na ito at itataas naman sa isanglibong piso mula sa orihinal na limangdaang piso ang uniform allowance bawat semestere. Magiging P1,500 na ang miscellaneous expenses mula sa dating P500 at magiging P1,000 na rin ang buwanang school fees mula sa dating P500.

Positibo naman si Board Member Dioneda na susuportahan ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan ang kanyang proposed scholarship coverage expansion na tiyak na makapagbibigay ng malaking tulong sa mga mahihirap na mag-aaral subalit nagnanais na makatapos ng kolehiyo. (PIA Sorsogon)









No comments: