Friday, March 4, 2011

Rural Bank of Donsol, hinoldap


Rural Bank of Donsol, hinoldap
Ni: BARecebido/FBTumalad,Jr.

Sorsogon City, March 3, (PIA) – Hinoldap kahapon, pasado alas-onse ng umaga ang Rural Bank of Donsol sa bayan ng Donsol dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa inisyal na ulat, natangay ng mga suspek ang P321,029 na halaga ng pera, pati na rin ang mga cellphones at relos ng mga empleyado ng bangko.

Ayon sa isang tauhan ng bangko na tumanggi nang magpakilala, tatlong kalalakihang nasa 30-35 taong gulang na pawang Tagalog ang salita ang pumasok sa bangko at tinutukan sila ng baril kung kaya’t wala silang nagawa.

Isa diumano ang nagbukas ng vault, isa ang nakatutok sa kanila ng baril habang ang isa pa ay nagsilbi namang look-out.

Matapos umanong makuha ang lahat ng pera sa vault ay sapilitang ipinasok ang anim na mga empleyado ng bangko sa loob nito.

Ang Rural Bank of Donsol ay matatagpuan sa sentro harap ng supermarket, subalit hindi umano gaanong napansin ito ng mga tao lalo pa’t karamihan ay nanananghalian, maliban pa sa napalakas na buhos ng ulan.

Sa mga ulat, lumalabas na walang gwardiya dahilan sa wala pa umanong kapasidad magbayad ng gwardiya ang bangko kung kaya’t tanging sa isang CCTV camera lamang nakasalalay ang seguridad nito.

Hindi na naiulat pa kung may mga kliyenteng naroroon din sa bangko nang mga oras na maganap ang insidente.

Wala ding konkretong detalye kung saang direksyon tumakas ang mga suspek matapos na tangayin nito ang mga ninakaw.

Samantala, sa inisyal na report ng SOCO, naiturn-over na sa kanila ang CCTV camera at nakatakda na rin silang gumawa ng cartographic sketch upang mas madaling matukoy ang pagkakakilalnlan ng mga salarin.

Isasailalim din ngayon sa imbestigasyon ang manager ng Rural Bank of Donsol upang makuha din ang detalyadong ulat ukol sa pangyayari.

Ang Rural Bank of Donsol ang nag-iisang bangko sa Donsol mula pa noong 1957. (PIA Sorsogon)



No comments: