Wednesday, March 2, 2011

Tagalog News Release


Illegitimate children maaari nang gumamit ng apelyido ng kanilang ama
Bennie A. Recebido
         
Sorsogon City, March 1, (PIA) – Maaari nang gamitin ng mga bata ang apelyido ng kanilang ama kahit pa hindi ito kasal sa kanilang ina.

Ito ang katiyakang hatid ng Republic Act 9255 na may titulong “An Act Allowing Illegitimate Children to Use the Surname of Their Father, Amending for the Purpose Article 176 of Executive Order No. 209, otherwise known as “Family Code of the Philippines”.

Matatandaang ipinatupad ang RA 9255 noong March 19, 2004, labinlimang araw matapos itong pirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapal-Arroyo noong February 24, 2004.

Sa naging paliwanag ni Gemma Red, statistician ng National Statistics Office Sorsogon, sinabi nitong sa bisa ng RA 9255, maari nang gamitin ng mga illegitimate children ang apelyido ng kanilang ama subalit dapat na kinikilala ito ng ama ng bata.

Aniya, dapat na ihayag ng ama ng bata na kinikilala niya ang bata sa pamamagitan ng pagpirma sa affidavit of acknowledgement of paternity na makikita sa likod ng birth certificate o di kaya’y magsumite ng written document na magpapatunay na kinikilala niya ang bata bilang anak niya.

Saklaw ng batas ang mga illegitimate children na ipinanganak bago at matapos ang March 19, 2004 kung saan sinimulang ipatupad ang batas. Sakop din nito ang mga unregistered at registered births kung saan ginagamit ng bata ang apelyido ng kanilang ina.

Sa ipinalabas namang Implementing Rules and Regulations ng NSO noong May 14, 2004, maaaring magsumite ang ama, ina, guardian o maging ang anak mismo kung nasa tamang edad na ito ng public document o affidavit na naghahayag ng kagustuhang magamit ng bata ang apelyido ng ama at isusumite ito sa Local Civil Registry Office kung saan ipinanganak ang bata, kung ito ay ipinanganak sa Pilipinas. Subalit, kung ipinanganak sa labas ng bansa, dapat isumite ang dokumento sa Local Civil Registry Office ng Maynila.

Subalit kung labing walong taon na ang bata, may kalayaan na itong magdesisyon kung gagamitin ang apelyido ng ama o hindi.

Sa batas ding ito ay mabibigyan ng pagkakataon ang illegitimate child na mahatian ng mga pag-aari ng kanyang ama. (PIA Sorsogon)

No comments: