Wednesday, April 13, 2011

HB 4407 poprotekta sa National Film Archive


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 8 (PIA) – Isinusulong ngayon ni Sorsogon 2nd district congressman Degoracias Ramos, Jr. ang pagbuo ng isang ahensya ng pamahalaan na magmamantini sa National Film Archive.

Sa isang on line press statement, sinabi ni Ramos na hindi epektibong nakakapagpatayo ng film archive ang mga ahensya ng pamahalaan na nagsusulong at nangangalaga sa sining at arte ng bansa dahilan sa mga isyu sa pondo, responsibilidad at kakulangan ng kasanayan ng mga taong sangkot.

Sa ilalim ng House Bill 4407, bubuuin ang National Film Preservation Commission kung saan ang tanging layunin nito ay pagsama-samahin, mantinihin at pangalagaan ang mga mahahalagang pelikula ng bansa lalo na ang mga cultural at historical Filipino films.

Ang National Film Board ang magpapatakbo sa komisyon at magiging kasapi nito ang kalihim ng Department of education, chairperson ng Film Development Council of the Philippines , Commissioner ng National Commission on Culture and the Arts, mga kinatawan mula sa film directors association, film producers association, theater owners association at screenwriters association.

Ayon sa Society of Film Archivists, nasa walong libong pelikulang Filipino ang nagawa mula noong 1919, subalit pinaniniwalaang nasa tatlonglibo at limang-daan lamang ang natatagong kopya. (PIA Sorsogon)

No comments: