Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, May 25 (PIA) – Inabisuhan na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga residente sa mga lugar na madalas daanan ng mga pagbaha, pagtaas ng tubig at daluyan ng lahar lalo pa’t may abiso na rin ang PAGASA sa posibilidad ng pagbuhos ng ulan ngayong araw.
Sa naging pahayag ni PDRRMC Action Officer Manro Jayco, sinabi nitong ibinigay na nila sa mga LGU partikular sa mga bayan ng Juban, Irosin, Bulan, Pilar, Casiguran at Sorsogon City ang kaukulang istratehiya sa paghahanda alinsunod na rin sa kani-kanilang contingency plan.
Nanawagan din si Jayco sa mga residente na maging alerto at gawin ang pre-emptive evacuation nang mas maaga at huwag nang hintayin pang dumilim bago isagawa ang paglilikas upang maiwasan ang mga untoward incidences.
Kahapon ay ipinag-utos na rin ni Sorsogon Governor Raul R. Lee sa lahat ng mga concerned agencies ang maagap na kahandaan sa posibleng pagdaan ng bagyong Chedeng.
Sinabi din ni Gov. Lee na bago pa man umano mag-landfall ang bagyo ay particular na niyang pinatutukan ang pagsagip sa mga pananim at imprastruktura sa lalawigan sa tulong na rin ng provincial Agriculture Office at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Patuloy din ang pagtaas ng bilang ng mga strandees sa tatlong pangunahing pantalan dito kung saan sa pinakahuling tala ng Philippine Coast Guard Sorsogon Station, alas-onse ngayong umaga, ang stranded passengers sa Matnog ay 1,556 , 45 - buses, 7 - trucks at 2 - light cars; Bulan – 210 passengers, 7 buses at 6 trucks habang sa Pilar naman ay 120 passengers at tatlong vessels.
Samantala, ngayong itinaas na sa Public Storm Signal no. 2 ang lalawigan Sorsogon, nangangamba ang karamihan sa mga residente dito sa perwisyong maaaring dalhin ng bagyong Chedeng sakaling tumama ito sa kalupaan lalo pa’t kakaiba ang temperature at galaw ng panahon ngayon dito.
Hindi maiwasan ng ilang residente lalo na ng mga may edad na dito na ihambing ang kondisyon ng panahon ngayon na anila’y kahalintulad ng bagyong Sisang noon, na signal number 2 na ay mainit at maalinsangan pa rin ang panahon, subalit nang tumama sa lupa ay nagdulot ng napakalaking pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga residente. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment