Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, May 24 (PIA) – Kahit pa mainit ang panahon dito ngayon sa lungsod ng Sorsogon at sa tingin ay mukhang walang bagyong nagbabanta, patuloy ang abiso ng mga kinauukulan dito sa mga residente partikular sa mga nakatira sa mabababa at mapanganib na lugar na maging alerto at regular na subaybayan ang mga pinakahuling kaganapan sa lagay ng panahon.
Ito ay matapos na ideklara ng PAGASA na nasa Signal Number 1 na ang lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng Tropical Storm Chedeng.
Kaninang alas sais ng umaga ay tuluyan na ring sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang paglalayag ng mga 1,000 gross tons and below sea vessels sa tatlong mga pangunahing pantalan ng Sorsogon.
Nagresulta ito sa pagkakaistranded ng mga pasahero at behikulo kung saan sa Bulan port ay nakapagtala ng 135 stranded passengers, 5 buses, 6 trucks, 2 sea vessels at 3 motorbanca; sa Pilar port naman ay nakapagtala ng 80 (50) passengers, 1 sea vessel at 3 motorbanca habang sa Matnog port ay tanging tatlong sea vessels lamang ang naitalang stranded.
Mahigpit din ang naging panawagan ni PCG Sorsogon Station Commander LtJG Ronnie Ong sa mga mangingisda lalo na yaong mga maliliit na mangingisda na ipagpaliban na muna ang pagpunta sa laot upang maiwasan ang mga sakuna.
Nakatakda ring magsagawa ng pagpupulong ngayon ang mga kasapi ng Sorsogon City Disaster Risk Reduction and Management Council upang pag-usapan ang mga paghahanda sakaling tamaan ng bagyong Chedeng ang Sorsogon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment