Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.
Sorsogon City, May 31 (PIA) – Matapos ang sunud-sunod na isinagawang inspeksyon ng mga tauhan ng Sorsogon City Fire Station sa mga boarding houses sa kabisera ng syudad nitong mga nakalipas na araw, nakapagtala na ito diumano ng maraming bilang ng mga lumabag sa Fire Safety Standard ng ahensya.
Ayon kay City Fire Marshal Renato Marcial, karamihan sa mga ito ay ang kawalan ng fire extinguisher, fire alarm system, emergency lights at fire escape.
Kasama rin ang Abuyog National High School sa nasilip na may maraming sirang wiring installations at kinakalawang na fuse boxes dahilan sa kalumaan. Ayon kay Marcial, kailangang mabigyan ito ng agarang atensyon upang hindi ito magdala ng malaking perwisyo sa buhay at ari-arian sa darating na mga panahon.
Samantala, nagbigay pa rin ng palugit ang BFP sa mga naitalang lumabag sa Fire Safety Code at magpapadala pa rin sila diumano ng notice to correct upang makasunod ito sa itinatakdang mga alituntunin laban sa sunog.
Nilinaw din ni Marcial na sakaling hindi pa rin susunod sa kautusan ang mga ito sa kabila ng kanilang paalala ay mapipilitan ang ahensya na ikandado ito habang wala pa silang naisusumiteng mga kaukulang resikitos.
Ang inspeksyon ay base na rin sa derektibang ipinag-utos ni City Fire Marshall Renato Marcial upang mabantayan at matiyak na ligtas ang mga boarding houses at mga paaralan bago pumasok ang mga estudyante hanggang sa katapusan ng taon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment