Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, June 1 (PIA) – Ilulunsad ngayong araw dito sa Sorsogon ang Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry (DTI) na may layuning makapagbenta ng mga discounted products.
Ayon kay DTI Consumer Welfare Division Chief Evelyn Paguio, nais ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa pamamagitan ng DTI na matulungan ang mga mamamayan partikular ang mga magulang na mabawasan ang kanilang financial burden lalo ngayong nalalapit na ang pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga school supplies sa napakababang halaga.
Aabot sa anim na department store sa lungsod ang lalahok sa gagawing sampung araw na todo-todong diskwento.
Kabilang sa mga school supplies na ibebentang may mga freebies, buy one take one at may todo-todong diskwento ay ang mga notebooks, pad papers, school bags, ballpen, lapis, school shoes at marami pang iba.
Sinabi din ni Paguio na maliban sa 10-day sale ng mga Department Store ay nakatakda ring magkaroon pa ng 2nd phase ng Diskwento Caravan sa darating na June 21-25, 2011 sa Aemilianum College school grounds kung saan maliban sa mga school supplies ay magbebenta rin ang mga tindahan ng iba’t-ibang mga agricultural products at grocery items sa napakamurang halaga.
Layunin din nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga Sorsoganon na makabili ng mga murang paninda lalo pa’t nalalapit na ang city fiesta dito.
“Imbitado din ang mga Micro, Small and Medium Enterprises dito upang mai-showcase din nila ang kanilang produkto lalo pa’t inaasahan rin ang pagdagsa dito ng mga mamimili,” dagdag pa ni Paguio. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment