Tuesday, June 28, 2011

June 29, idineklarang Special Public Holiday sa Sorsogon City


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 28 (PIA) – Deklaradong Special Public Holiday sa buong lungsod ng Sorsogon bukas, araw ng Miyerkules, June 29, 2011, bilang pakikiisa sa paggunita sa Kapistahan ng Patron ng Lungsod, San Pedro at San Pablo, at  bilang pasasalamat na rin sa mga biyayang iginawad ng Maykapal sa mga taga-lungsod sa buong taon.

Sa Executive Order No. 006 series of 2011 na ipinalabas ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, nakasaad dito na naging kaugalian na ng mga taga-Lungsod ang pagiging mapagkaibigan at magiliw sa pagtanggap ng mga bisita kung kaya’t ninanais ng pamilya na mamalagi sa kanilang mga tahanan at doon ipagdiwang kasama ng mga kaibigan at bisita ang mahalagang okasyon ng kapistahan.

Hangad diumano ni Mayor Dioneda na mabigyang bwelo ang mga taga-lungsod lalo na ang mga mag-aaral at manggagawa sa pampubliko at pampribadong tanggapan sa lungsod na makapagdiwang ng Sorsogon City Fiesta kung kaya’t idineklara itong walang pasok.

Samantala, maliban sa mga sports activities na ginagawa ngayon sa lungsod, nakatakda ring magkaroon ngayon ng iba pang mga aktibidad tulad ng “Pizza All You Can” sa Sorsogon State College campus, “Barayle sa Dalan” sa kahabaan ng pangunahing lansangan ng lungsod at “Pista sa Nayon” sa Sts. Peter and Paul Cathedral grounds.

Bukas ay nakatakda namang magkaroon ng konsyerto ang Rocksteddy, ang bandang madalas lamang makita ng mga Sorsoganon sa Showtime sa telebisyon. (PIA Sorsogon)



No comments: