Thursday, June 30, 2011

Special Registration para sa PWDs itinakda ng Comelec


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 30 (PIA) – Espesyal ang gagawing pagtrato ng Commission on Election (Comelec) sa gagawing pagrehistro ng mga Persons With Disabilities o PWD sa darating na July 18-22 ngayong taon.

Sinabi ni Provincial Election Supervisor Att. Calixto Aquino Jr na talagang nagtalaga ang Comelec isang linggo na tinagurian nilang Special Registration for PWDs upang mabigyang pagkakataon na makapagrehistro ng maginhawa ang mga may kapansanang nasa edad at kwalipikado nang magparehistro bilang botante.

Ayon kay Aquino, ang naturang special registration para sa PWDs ay alinsunod sa naaprubahang Comelec Minute Resolution 110623 kung saan itinakda ang July 18-22, 2011 upang ma-accomodate ang mga PWD na makapagparehistro at makaboto sa darating na 2013.

Matatandaang noong mga nakaraang taon, isa sa mga iminumungkahi ng grupo ng mga PWDs na mabigyan sila ng espesyal na pagkakataong makaboto at kung maaari ay malagyan din ng special lane ang mga voting centers upang maging maginhawa at hindi na makasama sa siksikan ang mga botanteng may kapansanan.

Samantala, aminado din si Aquino na mahina ang turn-out ng kanilang continuing registration program dahilan sa posibleng malayo pa umano ang eleksyon.

Sinabi din niya na nakaugalian na ng mga Pilipino na maghintay sa pinakahuling araw bago magparehistro at maging opisyal na botante ng bansa, dahilan upang magsiksikan sa mga tanggapan ng Comelec kung oras na.

Subalit, sa kabila nito, patuloy pa rin ang panawagan ni Aquino sa mga Sorsoganon na may edad labing-walo pataas na magparehistro hanggang sa huling kwarter ng taong 2012.

Nanawagan din ito sa mga rehistradong botante lalo na ang mga datihan na i-validate ng mga ito ang kanilang voter’s registration sa pinakamalapit na tanggapan ng Comelec sa kanilang lugar. (PIA Sorsogon)

No comments: