Friday, July 1, 2011

House Bill 4741 tatalakayin sa Joint Committee Hearing


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 1 (PIA) – Isang Joint Committee Hearing sa Sangguniang Panlalawigan ang nakatakdang gawin ngayon kaugnay ng pagbabalik muli ng bayan ng Juban sa unang distrito ng Sorsogon mula sa ikalawang distrito na kasalukuyang kinabibilangan nito.

Sa nakalap na impormasyon ng PIA Sorsogon, ang nasabing committee hearing ay isinagawa upang pag-usapan ang ilang mga isyung maaaring maging hadlang upang tuluyang maisabatas ang House Bill No. 4741 (An Act Reapportioning the Composition of the Legislative District of Sorsogon to include Juban in the 1st District) na inakda ni Sorsogon First District Congressman Salvador H. Escudero III at co-author naman si 2nd District Congressman Deogracias Ramos, Jr.

Matatandaang una nang naghayag ng pagtutol si Juban Mayor Jimmy Fragata at mga local na opisyal ng Juban ukol sa pagpapasa ng nasabing panukala dahilan sa pulitika lamang diumano ang pinakadahilan kung bakit parang pinagpapasa-pasahan ang bayan ng Juban, kung saan mula sa pagkakabilang nito sa unang distrito ay inilagay sa ikalawang distrito at ngayon naman ay muling ibabalik sa unang distrito.

Maliban sa mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod, dadaluhan ang committee hearing ng mga opisyal ng local na pamahalaan ng Juban, iba pang mga alkalde ng lalawigan at ng dalawang kongresista ng Sorsogon na nasa likod ng isinusulong na House Bill.

Ayon kay Cong. Ramos, karatpatan ng bawat isang makapaghayag ng kanilang saloobin lalo kung ito ay para sa ikabubuti ng komunidad at umaasa siyang malilinawan ng bawat panig ang mga isyu at matukoy ang tunay na prinsipyo sa pagkakahati ng lalawigan ng Sorsogon.

Ang bayan ng Juban ay isang 4th class municipality na binubuo ng dalawampu’t-limang mga barangay at may mahigit sa dalawampu’t walong libong populasyon base sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) noong 2007. (PIA Sorsogon)

No comments: