Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 4 (PIA) – Iminungkahi ni Department of Trade and Industry (DTI) Bicol Regional Director Engr. Jocelyn Blanco ang pagkakaroon ng Tindahang Pinoy sa iba’t-ibang mga lalawigan sa buong rehiyon ng Bicol.
Ayon kay Blanco, sa kanyang karanasan sa DTI, nakita niyang sagana ang mga bayan ng anim na lalawigan ng Bicol sa iba’t-ibang mga produktong may mataas na uri at tunay na maipagmamalaki nila.
Ilan sa mga binigyang halimbawa niya ay ang pili ng Sorsogon, abaka ng Catanduanes at Albay, marine products sa Masbate at iba.
Aniya, sa halip na tawaging Pasalubong Center mas magandang pakinggan ang Tindahang Pinoy sapagkat higit na Pilipino ang dating.
Dito diumano ilalagay o ididisplay ang lahat ng mga produkto, agrikultural man o hindi, mula sa iba’t-ibang mga munisipyo ng lalawigan kung saan mas madaling maipapakilala sa mga mamimili ang sarili nilang mga produkto.
Tiniyak din ni Blanco ang buong suporta ng DTI sa pagsusulong ng mga produktong de-kalidad at nakakasunod sa international standard.
Nais din nila diumano na palaguin ang mga produkto sa kanayunan alinsunod na rin sa direktiba ng ni DTI Sec. Gregory L. Domingo at gawing world-class entrepreneurs ang mga mamamayan sa pamamagitan ng Small and Medium Enterprises (SMEs) nang sa gayon ay magkaroon sila ng maginhawang buhay. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment