Wednesday, July 6, 2011

Contractor papanagutin ng DPWH sa mga depektibong proyekto nito


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 5 (PIA) – Mahigpit na ipatutupad ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Sorsogon 2nd District Engineering Office (S2DEO) ang paglalagay ng mga sign board o billboard sa lahat ng proyekto ng DPWH.

Ayon kay DPWH-S2DEO District Engineer Juanito R. Alamar, nagpalabas na umano siya ng statement na mahigpit nilang ipapatupad ang Department Order No 24 series of 2011 at titiyakin nilang ang mga nanalong contractor ay maglalagay ng kaukulang billboard o marker sa mga proyektong imprastrukturang ipagagawa ng 2nd District Engineering Office.

Sa Department Order No 24 na ipinalabas ni DPWH Secretary Rogelio L. Singson, inaatasan nito ang lahat ng mga tanggapan ng DPWH sa buong bansa na sumunod sa Provision on Informational Signs ng DPWH.

Alinsunod sa direktiba, obligado ang mga contractor na maglagay ng karatula o billboard sa lugar na pagtatayuan ng proyekto kung saan nakasaad dito ang mga sumusunod na teksto:

NOTICE TO THE PUBLIC

“THE CONTRACTOR AT HIS OWN EXPENSE IS CORRECTING DEFECTIVE WORK TO COMPLY WITH THE DPWH QUALITY STANDARD.”

Sakaling maging depektibo diumano ang mga proyekto o kaya’y hindi ito pumasa sa quality standard ng DPWH, papanagutin ang contractor sa pamamagitan ng pagpapaayos at pagpapaulit sa kaparehong proyekto gamit ang sarili niyang pera nang sa gayon ay hindi masasayang ang pera ng bayan.

Dagdag pa ni Alamar na sa pamamagitan nito ay magiging malinaw din sa publiko na ang nanalong contractor ang siyang responsable sa magiging kahihinatnan ng gagawin niyang proyekto.

Ang pagpapatupad ng nasabing direktiba ay bahagi pa rin ng transparency campaign ng pamamhalaang Aquino at upang malaman ng publiko ang mga transaksyon ng pamahalaan kaugnay ng mga proyektong ipinatutupad at ipapatupad pa ng DPWH. (Harry Deri/PIA Sorsogon)

No comments: