Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 6 (PIA) – Tiniyak ni Sorsogon City Permits and Licensing Office Chief Jose Pura na maipamamahagi na rin sa wakas ang Pantawid Pasada o Fuel Subsidy na programa ng national government para sa mga tricycle operators.
Inamin ni Pura na hindi nila kaagad naipamahagi ang one-time subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program dahilan sa ilang mga sirkumstansya at pagsunod sa proseso sa tamang pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan.
Aniya, sisimulan nilang ipamahagi bukas, July 7, ang P150-fuel subsidy sa mahigit dalawang libong kwalipikadong operators ng mga traysikel sa Sorsogon City.
Dapat lamang diumano na sumunod sa mga hinihingi nilang rekisitos ang mga operators upang makabeneipisyo sa nasabing subsidy.
Samantala, halos ay makukumpleto na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tricycle operators sa rehiyon ng Bikol.
Sa pinakahuling tala ng DILG Bicol, umaabot na sa 88% sa kabuuan ang naipamahagi na ng ahensya sa 32,662 mga operators na may lehitimong prankisa.
Sa Sorsogon, isangdaang porsyento nang naipalabas ang pondo at nakatanggap na rin ng mga tricycle operators ang fuel subsidy sa mga bayan ng Bulan at Irosin.
Umaasa naman ang iba pang mga tricycle operators ibang mga bayan sa probinsya na matatanggap na rin nila sa lalong madaling panahon ang tulong Pantawid Pasada na nauukol para sa kanila. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment