Wednesday, July 20, 2011

529 Sorsoganon maaaring maging PESFA scholars


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 20 (PIA) – Bukas na ngayon ang Technical Education and Skills Development (TESDA) sa pagtanggap ng panibagong batch ng mga iskolar ngayong taon sa ilalim ng Private Education Student Financial Assistance (PESFA) program.

Ayon kay TESDA Sorsogon Provincial Director Rodolfo G. Benemerito, limangdaan dalawampu’t siyam na Sorsoganon, may trabaho o wala, mula sa buong lalawigan ang mabibigyan ng pagkakataong maging PESFA scholars para sa taong 2011.

Sinabi ni Benemerito na layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataong makapagpatuloy pa ng pag-aaral ang mga kwalipikadong nakapagtapos ng hayskul subalit kulang sa kapasidad pinasyal na makapag-enrol sa mga pribadong Technical-Vocational Schools.

Maaari diumanong mag-aplay bilang iskolar ang may mga sumusunod na kwalipikasyon:

·         May edad na labinwalong taong gulang sa pagtatapos ng pagsasanay;
·         Hindi pa nanginabang sa alinmang scholarship na ibinigay ng TESDA;
·         May buwanang kabuuang kita ang pamilya na hindi lalagpas sa P10,000;
·         Nais mag-enrol at makapagtapos ng short-term, non-degree, technical-vocational course sa mga pribadong paaralan sa lalawigan;
·         Nais sumailalim sa Compulsory Competency Assessment matapos ang pagsasanay;
·         Naninirahan sa Sorsogon;
·         Hindi pa sumailalim sa National Career Assessment Examination (NCAE) o sa Youth profiling for Starring Careers (YP4SC); at
·         Interesado at handang magtrabaho matapos ang ibibigay na pagsasanay.

Sinabi pa ni Benemerito na 251 slots ang ibinigay sa unang distrito ng Sorsogon kung saan labing-isang tech-voc courses ang maaaring pagpilian na binadyetan ng aabot sa P1.7 milyon, habang 278 slots naman sa ikalawang distrito kung saan may labing-dalawang tech-voc courses na maaaring mapagpilian na binadyetan ng aabot naman sa P1.9 milyon.

Labingsiyam na pribadong paaralan naman sa buong lalawigan na may tech-voc courses ang katuwang ng TESDA na maari ring pagpilian ng mga mag-aaral ayon sa kursong nais nito.

Maari diumanong makipag-ugnayan ang mga interesadong kwalipikadong Sorsoganon sa pinakamalapit na paaralang tech-voc sa kanilang lugar o di kaya bumisita sa mga itinalagang Community Training and Employment Coordinator sa kanilang munisipyo o personal na bumisita sa TESDA office para sa mga dagdag pang impormasyon. (PIA Sorsogon)

No comments: