Friday, July 22, 2011

CSWDO pinulong ang mga PWDs sa Sorsogon City

Ni: Bennie A. Recebido

PIA Sorsogon, July 22 (PIA) – Isang pulong ang isinagawa kahapon ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa mga taong may kapansanan kung saan ipinaliwanang ni Carlo Bustamante, dating pangulo ng asosasyon ng may mga kapansanan sa Sorsogon at sa ngayon ay kabilang sa mga tauhan ng CSWDO, ang mga karapatan at pribelihiyong dapat na makamit at matamasa ng mga taong may kapansanan.

Aniya bawat benepisyo at serbisyong nais tamasain ng mga PWDs ay kaakibat ang pag-iingat ng mga ito sa kanilang mga ID at dapat na palagiang dala ng mga ito ang kanilang Purchase Booklet upang hindi maantala at pagdaanan pa ang istriktong ispeksyon at proseso sa pagkamit ng kanilang mga benepisyo.

Kasama sa ginawang pulong ang kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Technical Edication Skills and Development Authority (TESDA) na nagpaliwanag din ukol sa 20 porsyentong diskwento ng mga PWDs sa bilihin at serbisyong pampubliko at ang pagbibigay sa kwalipikadong PWD ng anim na slots para sa Private Education Student Financial Assistance (PESFA) scholarship program.

Ipinaliwanag din ang mga nakakalat na marker signs o sticker sa mga paaralan, ospital, fastfood chains, grocery stores at mga pampasaherong sasakyan na nagbibigay prayoridad sa mga may kapansanan sa anumang transaksyong isasagawa nito. Halos karamihan na rin diumano sa malalaking establisemyento ay mayroon na ring special lane para sa mga PWDs.

Ipinaliwanag naman ng pamunuan ng Land transportation Organization (LTO) na suportado nila ang karapatan ng PWDs kung saan nagbibigay sila ng oryentasyon sa mga tsuper at operators at inatasan din nila ang mga ito na maglagay ng sticker sa kanilang sasakyan at gumawa ng seat plan para sa mga pasaherong PWD.

Binigyang-diin naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring maparusahan sa ilalim ng RA 9442 ang mga employer na tatangging tumanggap ng mga kawalipikadong aplikanteng magtatrabaho sa kanilang mga tanggapan. May kaukulang insentibo din diumano ang mga employer na nagbibigay oportunidad sa mga PWDs. (PIA Sorsogon)


No comments: