Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 15 (PIA) – Siyam na mga munisipalidad sa Sorsogon ang mabibiyayaan matapos na pondohan ng P1.5 milyon ng tanggapan ni Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias Ramos, Jr. ang programang magsusulong sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) dito sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Information Officer Senen Malaya, inilaan ni Cong. Ramos ang P1.5 milyon upang pasiglahin pa ang handicraft industry, food production processing at upang palakasin pa ang kapasidad sa produksyon ng mga MSME sa munisipalidad na sakop ng ikalawang distrito, at sa kalaunan ay mapaunlad pa ang mga aktibidad pang-ekonomiya sa rural na komunidad.
Ayon pa kay Malaya, positibo si Cong. Ramos na sa tulong teknikal na rin ng DTI Sorsogon ay mapapataas pa ang produksyon at kalidad ng mga maliliit na negosyante at mabibigyan din ang mga ito ng kaukulang kagamitan at makinaryang kailangan sa pagpapalago pa ng kanilang produksyon.
Naniniwala din diumano si Ramos na kulang lamang sa puhunan ang mga nagnanais na pumasok sa pagnenegosyo kung kaya’t hindi na rin ito nagdalawang-isip na magbigay ng tulong pinansyal habang ang iba pang mga teknikalidad upang maisulong ang MSME ay ipinauubaya na niya sa DTI.
Sinabi din ni Malaya na nakipagdayalogo na rin sila sa mga punong-ehekutibo at sa mahigit isang-daang mga kinatawan ng MSME mula sa siyam na aydentipkadong munisipalidad na kinabibilangan ng Bulusan, Bulan, Sta. Magdalena, Matnog, Irosin, Barcelona, Prieto Diaz, Juban at Gubat.
Karamihan sa mga lumahok sa dayalogo ay yaong nasa larangan ng negosyo sa pagkain, handicrafts, furniture industry at mga point person ng One Town One Poduct (OTOP) sa ikalawang distrito.
Sa dayalogo, pinag-usapan at napagkasunduan ang paraan ng pamamahagi at paggamit ng pondong inilaan ni Ramos alinsunod na rin sa patakarang sinusunod ng mga punong ehekutibo. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment