Friday, August 5, 2011

Mga istratehiyang magpapaigting sa kampanya ng Philhealth Registration inilatag


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 5 (PIA) – Matapos ang naging pagtatasa ng magkakatuwang na ahensya sa pagpapatupad ng Philhealth registration, lumalabas na kahit hindi man naabot ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) Sorsogon Office ang kanilang target na bilang ng mga nagpatala upang magkaroon ng Philhealth card, naging kapuri-puri naman diumano ang suportang ipinakita ng mga local na pamahalaan ng Sorsogon City at Castilla, Sorsogon.

Kaugnay ng kakulangang ito, naglatag ng ilang mga istratehiyang makapagpapaigting at makakasustini sa pagpapatupad ng tuloy-tuloy na pagpapatala ng mga mamamayan bilang kasapi ng Philhealth.

Ilan sa mga istratehiyang inilatag ng mga kasapi ay ang pagbibigay oryentasyon sa mga kasapi ng media dito sa Sorsogon upang higit na maintindihan ng mga ito ang mga mahahalagang kaalaman ukol sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) at mga benepisyo sa pagkakaroon nito at mapalaganap ng tama ang impormasyon sa mga Sorsoganon.

Iminungkahi din ni Department of Education (DepEd) Sorsogon City Schools Division Superintendent Dr. Virgilio Real ang pagpapalaganap din ng mga impormasyon at kaalaman sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay oryentasyon sa mga tauhan nito sa lungsod at sa buong lalawigan.

Iminungkahi din niya bilang bahagi ng roll out activity ng Provincial Health Team ang pamamahagi ng mga Philhealth forms sa mga paaralan na sinimulan na rin noong July 25, 2011. Aniya, base sa populasyon ng paaralan sa lalawigan, dapat na makapaglabas ang Philhealth ng tatlong libong kopya ng survey forms sa lungsod habang mahigit naman sa isangdaang Philhealth survey forms para sa iba pang bahagi ng lalawigan.

Kailangan din diumanong magtayo ng mga Philhealth Desks (PDs) sa lalawigan at maglagay ng mga Information Education Campaign (IEC) materials at survey forms dito. Target ng mga itong gawin ito sa darating na Agosto 29-31, 2011. 

Maganda rin diumanong maglagay ng mga tarpaulins sa 528 na mga paaralan sa lalawigan para sa karagdagang impormasyon sa publiko.

Ilan pa sa mga istratehiyang gagawin ay ang radio hopping, Parent Teacher Association Conference at regular na koordinasyon sa mga Local Government Units (LGUs) at regular na pagsubaybay, pagtatasa at pagpupulong upang pag-usapan ang kinahinatnan ng mga nagiging aktibidad.

Naghayag naman ng suporta si Philhealth Sorsogon manager Alfredo Jubilo sa lahat ng mga mungkahing inilatag ng bawat kasapi ng grupo at ng Provincial Health Team. (PIA Sorsogon)

No comments: